Daughters of Saint Paul

Setyembre 24, 2017 Ika-25 LINGGO sa Karaniwang Panahon

Is 55:6-9  Slm 145  Fil 1:20c 24, 27a  Mk 20:1-16a

Mk 20:1-16a

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Tungkol sa nangyayari sa Kaharian ng Langit ang kuwentong ito. Maagang lumabas ang isang mayari para umupa ng mga manggagawa sa ubasan. Nakipagkasundo siya na tatanggap ng isang baryang pilak isang araw ang mga manggagawa, at pinapunta na niya sila sa ubasan. Lumabas din siya nang mag-iikasiyam ng umaga at nakita niya ang ibang mga nakatayo sa plasa na walang ginagawa. Kaya sinabi niya sa kanila: 'Pumunta rin kayo sa aking ubasan at bibigyan ko kayo ng nararapat.' At pumunta sila. Muli siyang lumabas kinatanghalian at nang mag-iikatlo ng hapon at gayundin ang ginawa niya. Lumabas din siya sa huling oras ng paggawa at nakita niya ang iba pang nakatayo lamang. Kaya sinabi niya sa kanila: 'Ba't kayo nakatayo lang at maghapong walang ginagawa?' Sumagot sila: 'Wala kasing umupa sa amin.' Sinabi niya : 'Pumunta kayo at magtrabaho sa aking ubasan.'

Paglubog ng araw, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang tagapamahala: “Tawagin ang mga manggagawa at bayaran sila, mula sa huli hanggang sa una.' Kaya lumapit ang mga dumating sa huling oras at binigyan sila ng tig-isang denaryo (isang baryang pilak). Nang lumapit naman ang mga nauna, akala nila'y tatanggap sila ng higit pa. Ngunit tumanggap din sila ng tig-isang denaryo. Kaya pagkatanggap nila nito, nagsimula silang magreklamo sa may-ari. Kaya sinagot ng may-ari ang isa sa kanila: 'Kaibigan, hindi ko kinukuha ang sa iyo. Hindi ba't nagkasundo tayo sa isang denaryo isang araw? Kaya tanggapin mo ang sa iyo at umalis ka na. Gusto ko ring bigyan ang nahuli gaya ng ibinigay ko sa iyo. Wala ba akong karapatang gawin ang gusto ko sa pera ko? Ba't ka naiinggit dahil maawain ako?” Kaya mauuna nga ang huli, at mahuhuli ang una.

PAGNINILAY

Mga kapatid, ang inggit, lason sa ating buhay espiritwal.  Pinalalabas nito na hindi makatarungan ang Diyos sa Kanyang kagandahang-loob sa ibang tao.  Pumapasok ang inggit sa’ting puso sa tuwing nawawala ang Diyos sa sentro ng ating buhay, at simulang ikumpara ang sarili sa iba.  Tunay na hindi natin nalalaman ang pamamaraan ng Diyos, maging ang Kanyang iniisip, para maunawaan natin kung bakit may hindi pagkakapantay-pantay sa mundo.  Pero kung bubuksan natin ang ating puso na manalig sa mga pamamaraan at pag-iisip ng Diyos – tiyak na magagalak tayo sa napakaraming biyayang ipinagkaloob Niya sa atin, gayundin sa ating kapwa.