BAGONG UMAGA
Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa Ika-dalawampu’t limang Linggo sa Karaniwang Panahon ng ating Liturhiya. Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. (Maririnig natin sa Mabuting Balita ang paalaala ng Panginoon na magalak tayo sa mga biyayang patuloy nating tinatanggap sa Kanya at huwag maiinggit o ikukumpara ang sarili sa kapwa. Ayon ito kay San Mateo kabanata dalawampu, talata isa hanggang labing-anim.) Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata dalawampu, talata isa hanggang labing-anim.
EBANGHELYO: Mt 20:1-16
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Tungkol sa nangyayari sa Kaharian ng Langit ang kuwentong ito. Maagang lumabas ang isang may-ari para umupa ng mga manggagawa sa ubasan. Nakipagkasundo siya na tatanggap ng isang baryang pilak isang araw ang mga manggagawa, at pinapunta na niya sila sa ubasan. “Lumabas din siya nang mag-iikasiyam ng umaga at nakita niya ang ibang mga nakatayo sa plasa na walang ginagawa. Kaya sinabi niya sa kanila: ‘Pumunta rin kayo sa aking ubasan at bibigyan ko kayo ng nararapat.’ At pumunta sila. “Muli siyang lumabas kinatanghalian at nang mag-iikatlo ng hapon at gayundin ang ginawa niya. “Lumabas din siya sa huling oras ng paggawa at nakita niya ang iba pang nakatayo lamang. Kaya sinabi niya sa kanila: ‘Ba’t kayo nakatayo lang at maghapong walang ginagawa’ Sumagot sila: ‘Wala kasing umupa sa amin.’ Sinabi niya: ‘Pumunta kayo at magtrabaho sa aking ubasan.’ “Paglubog ng araw, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang tagapamahala: ‘Tawagin ang mga manggagawa at bayaran sila, mula sa huli hanggang sa una.’ Kaya lumapit ang mga dumating sa huling oras at binigyan sila ng tig-isang denaryo. Kaya pagkatanggap nila nito, nagsimula silang magreklamo sa may-ari. …“Kaya sinagot ng may-ari ang isa sa kanila: ‘Kaibigan, hindi ko kinukuha ang sa iyo. Hindi ba’t nagkasundo tayo sa isang denaryo isang araw? Kaya tanggapin mo ang sa iyo at umalis kana. Gusto ko ring bigyan ang gusto ko sa pera ko? Ba’t ka naiinggit dahil maawain ako?’ “Kaya mauuna nga ang huli, at mahuhuli ang una.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Fr. Brian Tayag ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Narinig nating isinalaysay ni Hesus ang isang talinghaga tungkol sa isang may-ari ng ubasan. (Sa iba’t-ibang oras ng araw, siya’y umupa ng mga manggagawa upang magtrabaho sa kanyang ubasan. Pero, kahit sa iba’t-ibang oras sila nagtrabaho, lahat sila’y nakatanggap ng pantay-pantay na bayad. Ipinakita ng may-ari ng ubasan ang pagiging mapagmahal at marangal sa kanyang mga manggagawa. Bagamat ang ilan ay nagtrabaho ng mas mahaba, at iba naman ay mas maikli, tinuring silang lahat na pantay-pantay.) Sa talinghagang ito, tinuturo ng Panginoon ang kahalagahan ng pagiging makatarungan at mapagmahal sa ating kapwa. Hindi tayo dapat maging mapanghusga at maging palalo. Sa halip, tinatawag tayo na maglingkod at magmahalan, nang walang pag-iimbot at paghihinala. (Katulad ng pag-ibig ng may-ari ng ubasan sa kanyang mga manggagawa, ganoon din ang pag-ibig ng Diyos sa atin. Walang pinipili ang kanyang pagmamahal. Sa kabila ng ating mga pagkakamali at kahinaan, tinatawag tayong lahat upang maging bahagi ng kanyang kaharian at tanggapin ang kanyang biyaya. Huwag nating limitahan ang ating pagmamahal sa mga taong kawangis natin o mga pamilyar lamang sa atin. Sa halip, magpakita tayo ng pag-asa, pag-unawa, at kabutihan sa bawat isa.) Mga kapanalig, hinihikayat ko kayong isabuhay ang aral ng talinghaga ni Hesus. Maging bukas-palad tayo sa pag-ibig at biyaya ng Diyos, at maging huwaran tayo ng pagmamahal at kabutihan sa ating kapwa.