EBANGHELYO: Lk 9:43b-45
Nang lubos na nagtataka ang lahat dahil sa mga ginagawa ni Jesus, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Itanim ninyong mabuti sa inyong pandinig ang mga kataga kong ito: Ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao.” Hindi nila naintindihan ang pahayag na ito at nalingid ito sa kanila upang hindi nila maunawaan. At takot naman silang magtanong sa kanya tungkol sa pahayag na ito.
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Ma. Janice Golez ng Pious Disciples of the Divine Master o PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo. Noong bata pa tayo, may mga pagkakataong pinagsasabihan tayo ng ating magulang tungkol sa ating mga choices at actions na hindi kaaya-aya. At dahil musmos pa ang ating isipan, hindi natin sila lubos na maunawan. Kaya, nagagalit o nagtatampo tayo sa kanila. Noong tayo ay medyo nagma-mature na, ibig na nating panindigan at patunayan na tama tayo sa ating mga pananaw at galaw sa buhay. Dahil dito, nagre-react tayo kapag may kumukontra sa atin at di tayo nakauunawa. Mga kapatid, bilang tao, bawat isa sa atin ay may ganitong pag-uugali. At naiintindihan ito ng Panginoon. Kaya sa palagay ko, gets Nya rin kung bakit hindi din Siya maunawaan ng Kanyang mga alagad sa narinig nating Mabuting Balita ngayon. Aba’y oo nga naman, matapos nilang makita at mamangha sa lahat ng mga ginawa ni Hesus, at sumampalataya sa Kanya, di nila lubos maisip na ang Anak ng tao ay ipagkakanulo. Marahil nakatatak na sa isip nila ang tagumpay na nakaabang sa kanila dahil sila ay mga alagad ni Hesus. Pero, ang Panginoon na mismo ang nagsabi: ang pagpapakasakit, krus at kamatayan ang daan tungo sa kaluwalhatian. Ito ang landas na tinahak ni Hesus at ito din ang nakaabang sa mga tapat na sumusunod sa Kanya. Sa ating pagsunod kay Kristo kinakailangan ang sakripisyo. Maaaring ito ay sa paraan ng pagbibigay ng sarili sa paglilingkod sa kapwa, paglimot sa sariling kapakanan para sa ikabubuti ng karamihan, o kaya’y pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa iba. Kahit sa ordinaryong takbo ng buhay, ito’y kapansin-pansin din—sa pag-aaral man, sa career, sa relationships o anumang aspeto. Lahat ay nangangailangan ng sakripisyo bago makamtan ang tunay na kaligayahan at tagumpay. Panghuli, nais ni Hesus na bigyang pansin natin ang sinasabi Niya ukol dito. Di man natin ito lubusang maunawaan, ibibinigay Niya sa atin ang Banal na Espiritu upang turuan tayo at maliwanagan. Nawa’y buksan natin ang ating sarili sa Kanyang mga pahiwatig na nagpapaalala sa atin ng mga itinuro ni Hesus.