BAGONG UMAGA
Isang masigla at puno ng pag-asang araw ng Lunes ginigiliw kong kapatid kay Kristo! Dakilain natin ang Diyos sa panibagong pagkakataong maranasan muli ang Kanyang walang hanggang paglingap at pagmamahal. Araw-araw binibigyan tayo ng Diyos ng pagkakataong gumawa ng mabuti; ituwid ang nagawang pagkakamali; at punan ang ating pagkukulang sa mga nakalipas na araw. Kung pinahiram man tayo ng panibagong buhay ngayon, ito’y dahil may misyon pa tayong dapat gampanan. Tuklasin natin ang misyong ito sa pamamagitan ng ating taimtim na pananalangin sa’ting Poong Lumikha. Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Panawagang maging maningning na ilaw, ang hamon ng Mabuting Balitang maririnig natin ayon kay San Lukas kabanata walo, talata Labing-anim hanggang Labinwalo.
EBANGHELYO: Lk 8:16-18
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Walang nagsisindi ng ilawan at tinatakpan ito ng palayok o inilalagay sa ilalim ng higaan. Ipinapatong ito sa patungan para makita ng mga pumapasok ang liwanag. Walang nalilihim na di mabubunyag ni natatakpan na di mahahayag at malalantad. Kayat isip-isipin ninyo ang inyong naririnig dahil bibigyan pa nga ang mayroon at ang walang-wawa naman, kahit na ang akala niyang kanya, ay aagawin sa kanya.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Gemmaria de la Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Kay gandang pagmasdan ang sinindihang lampara kapag nasa dilim. Powerful ang ilaw. Matatawag nating influencer ang light dahil makapangyarihan ito kaysa sa dilim. Ikumpara natin ang ilaw bilang isang social media influencer. Sila ang nakapag-establish na ng credibility sa kanyang social media friends. Sila ang mga content creators na may access sa large audience. Kaya nilang mag-share ng information para mahikayat ang iba. Malaki ang kanilang reach. Tayong lahat inaasahang maging social media influencers na may mabuting layunin. Tulad ng advise ni Cardinal Luis Tagle sa mga kabataan na nag-participate sa World Youth Day sa Lisbon Portugal. Hinikayat niya sila na maging social media influencers sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng Mabuting Balita. Malaki ang tiwala ng ating Cardinal sa unang step nilang dapat gawin. Ito ay ang matututo sa ating Hesus Maestro kung paano’ng humikayat ng nararapat. Buong kababaang-loob pa na nakiusap si Cardinal Tagle sa mga kabataan. Sinabi niya na. “Pakiusap mga kabataan ng Pilipinas, spread the influence of Jesus, the influence of truth, justice, ang pangangalaga sa kalikasan, pangangalaga sa kapwa-tao sa mundo ng social media. Sinabi pa niya na bilang Kristiyano, ang lahat ng “influencer” ay kailangang inspired by the Gospel at inspired mismo ng ating Panginoon. Kay gandang isipin na bilang influencer, maaari tayong maging binhi ng pagkakaisa, ng pakikipag-isa, at paggalang sa kapwa. Kung tutuusin, marami nang mga naging false influencers at marami ang nahikayat sa mali. Nabulagan sa maling impluwensya na hanggang ngayon nagsisisi sa naging maling desisyon. So, let us all be Jesus’ influencers in the cyberworld. Talunin natin ang mga fakers. Punuin natin ng ningning ng Balita ng Katotohanan ang social media!