BAGONG UMAGA
Mapagpalang araw ng Martes ginigiliw kong kapatid kay Kristo. Ika-dalawampu’t anim ngayon ng Setyembre, ginugunita natin sina San Cosme at San Damian, na mga martir. Pinanganak silang kambal; parehas bihasang Manggagamot na nagpagaling ng maraming may sakit sa Cilicia nang walang bayad. Pasalamatan natin ang Diyos sa mga banal na ito, at sa tulong ng kanilang panalangin, hilingin nating makatugon sa panawagan ng Panginoong Hesus na “Ang mga nakikinig sa Salita ng Diyos at nagsasagawa nito, ang Kanyang ina at mga kapatid.” Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul na nag-aanyayang ihanda na ang sarili sa pakikinig ng Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata walo, talata Labing-siyam hanggang dalawampu’t isa.
EBANGHELYO: Lk 8:19-21
Pinuntahan si Jesus ng kanyang ina at mga kapatid pero hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. May nagsabi sa kanya: “Nakatayo sa labas ang iyong ina at mga kapatid, at gusto kang makita.” Sumagot siya at sinabi sa kanila: “Ang mga nakikinig sa Salita ng Diyos at nagsasagawa nito, sila ang aking ina at aking mga kapatid.”
PAGNINILAYIsinulat ni Bro. Russel Matthew Patolot ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Kilala tayong mga Pilipino para sa ating pagpapahalaga at pagmamahal sa pamilya, lalong-lalo na sa ating mga ina. Sa katunayan, ang pamilya ang kadalasang pangunahing dahilan ng pakikipagsapalaran ng ating mga OFW’s sa ibang bansa. Ilang mabubuting ama, ina, at mga anak ang hindi inalintana ang homesickness, pagod at sakripisyo ng pangingibang-bansa, upang mapaginhawa lamang ang buhay ng kanilang mga pamilya. Ang kanilang pag-uwi ay tiyak na masayang pagsasama-sama muli, kahit na panandalian lamang. // Sa ating Mabuting Balita, narinig natin na bilang mabuting ina, dinalaw ni Maria si Hesus sa gitna ng kanyang pamamahayag ng kaharian ng Diyos. Pero, tila hindi niya binigyang-pansin ang kanyang ina at mga kamag-anak, na marahil naglakbay pa upang makita lamang siya. Hindi tinigil ni Hesus ang kanyang pangangaral, upang tahimik na silipin man lamang si Maria; sa halip, hayagan niyang pinapurihan si Maria hindi dahil siya ang kanyang Ina, kundi dahil siya ang modelo ng tunay na nakikinig at tumutupad sa kanyang mga salita. Dahil dito, itinanghal ni Hesus ang kanyang Ina bilang huwaran natin ng pagtalima at kababaang-loob. // Mga kapatid, kung gayon, ang ating pakikibahagi sa pamilya ng Diyos, mahalaga ang ating buong pusong pagtugon sa araw-araw na paanyaya sa atin ng Diyos, na tupdin ang kanyang kalooban. Tulad ng Inang Maria, hindi natin kailangang laging maunawaan ang plano ng Diyos para sa atin; ang mahalaga ay ang ating buong tiwalang pagsang-ayon at pakikiisa. Kaya sa mga pagkakataong hindi natin lubusang maintindihan ang kalooban ng Diyos, nawa’y lumapit tayo sa ating Mahal na Ina, upang sa kabila ng ating mga pag-aalinlangan, lakas loob din nating masabi tulad niya, “Maganap nawa sa akin ang ayon sa wika mo.” Amen.