Ebanghelyo: Lucas 9, 7-9
Nabalitaan ng tetrarkang si Herodes ang lahat ng pangyayari at litung-lito siya dahil may nagsasabing nabuhay mula sa mga patay si Juan. Sinabi naman ng iba na nagpakita si Elias, at nang iba pa na isa sa Mga Propeta noon ang bumangon. At sinabi ni Herodes: “Pinapugutan ko si Juan; sino nga kaya itong nababalitaan kong gumagawa ng mga iyon?” Kaya sinikap niyang makita s’ya.
Pagninilay:
Hindi maikakaila na mahilig tayong mga Pilipino sa mga may katanyagan sa lipunan. Halimbawa, itong katatapos lamang na Olympics, binigyang-parangal natin ang ating mga atleta sa pamamagitan ng isang parada. Todo kaway naman tayo sa mga artista kapag dadaan sila tuwing may tour o mall show. Noong dumating naman si Pope Francis noong 2015, halos ‘di-mahulugang karayom ang mga highway na dadaanan ng popemobile, makakuha man lang ng isang sulyap, ngiti, kaway, o basbas mula sa Santo Papa. Bakit kaya tayo may pagnanais na makita ang isang personalidad?
Isang sulyap lang kay Hesus. Iyan ang lihim na nais ni Haring Herodes. Ngunit nakakalungkot ang dahilan kung bakit nais niyang makita ang Panginoon. Hindi upang makadaupang-palad si Hesus kundi para makita nang personal ang mga kababalaghang ginagawa Niya at ng Kanyang mga alagad. Ang tingin Niya kay Hesus ay para bang isang salamangkero na gumagawa ng himala para ipamalas ang Kanyang kapangyarihan. Ang nakita lamang ni Herodes ay ang mga kababalaghan at hindi ang makapangyarihang pag-ibig ng Diyos na siyang pinagmumulan ng kababalaghan. Samakatuwid, die-hard fan ni Hesus si Haring Herodes ngunit hindi siya tagasunod.
Mga kapanalig, nakatuon ba tayo kay Hesus dahil sa ating mga hinihingi o nakatuon tayo sa Kanya kaya tayo humihingi? Hindi fans club ang kailangan ng ating Panginoon; ang kailangan Niya ay mga alagad na handang pasanin ang krus at sumunod sa Kanya. Kaya naman sa mga pagkakataong nahihirapan tayong maging mga mabuting tagasunod, nawa’y bumaling tayo kay Hesus sa krus upang mapag-alab muli ang ating kadalasang nag-aagaw-baga na pagmamahal. Hindi fans club ang kailangan ng ating Panginoon; ang kailangan Niya ay mga alagad na handang pasanin ang krus at sumunod sa Kanya.