Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 27, 2021 – LUNES SA IKA-26 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 9:46-50

Nangyari na ikinabahala ng mga alagad kung sino nga kaya sa kanila ang pinakadakila. Alam ni Jesus ang pinagtatalunan nila sa kanilang isipan kaya kumuha siya ng isang bata at pinatayo sa tabi nila. At sinabi niya sa kanila: “Tumatanggap sa akin ang tumatanggap sa batang ito sa ngalan ko, at tumatanggap sa nagsugo sa akin ang tumatanggap sa akin. At isa pa: ang matagpuang pinakamaliit sa inyong lahat ang siyang dakila.” At nagsalita si Juan: “Guro, may nakita kaming nagpapalayas ng demonyo sa ngalan mo. Pero pinagbawalan namin siya dahil hindi siya sumusunod na kasama namin.” Ngunit sinabi ni Jesus sa kanya: “Huwag ninyo siyang pagbawalan dahil panig sa inyo ang hindi laban sa inyo.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. VG ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa ebanghelyo. Isang Setenta (70) anyos na babae ang nagpabinyag sa aming parokya. Tinanong siya kung bakit ngayon lang siya nagpabinyag. Simple lang ang naging sagot niya: “Gusto kong pumunta sa langit”. Mga kapatid, gusto mo rin bang mapunta sa langit? Gusto ba nating maging dakila at banal? Kung gayon sikapin nating matulad sa isang bata. Ilan sa mga katangian ng bata ang sumusunod: Mapagtiwala sa iba, Malinis at busilak ang kalooban, Mapagpakumbaba, masayahin, Marunong makuntento kung anong mayroon sila, Marunong magpasalamat at magpa “Thank You”, at madaling magpatawad at hindi nagtatanim ng sama ng loob sa kapwa.  Kapatid, mayroon ka pa ba ng ganitong mga katangian? O baka naman ang ating mga puso ay nababalot ng galit, poot at pagnanasang maghiganti? Marunong ka pa bang mag “Thank You” o hindi ka na marunong mag enjoy sa buhay. Pag isipan natin kung ano na tayo/ at nasaan na tayo sa ngayon? Hindi pa huli ang lahat.  Sikapin nating magbago sa tulong ng Grasya ng Diyos at huwag lang aasa sa ating sariling lakas at kakayahan. Napakasaya siguro kung sa langit lahat tayo ay magkitakita kits. Di ba? 

PANALANGIN

Mapagmahal na Panginoon, gusto po naming makapiling kayo sa langit balang araw. Alisin Mo po sa aming mga puso ang hindi kaaya-aya sa Inyong kalooban. Turuan mo po kaming matulad sa isang bata, nang kami’y makapasok sa Inyong kaharian. Amen.