Ebanghelyo: Lucas 9, 18-22
Minsan, mag-isang nagdarasal si Hesus at naroon din ang mga alagad. Tinanong niya sila: “Sino raw ako ayon sa sabi ng mga tao?” “Si Juan Bautista raw. May iba namang nagsasabing ikaw si Elias. At may iba pang nagsasabi na isang propeta noong una ang nabuhay.” “Ano naman ang sinasabi ninyo kung sino ako?” Sumagot si Pedro: “Ang Mesiyas ng Diyos.” At inutusan sila ni Hesus na huwag sabihin ito kanino man. Sinabi nga ni Hesus: “Kailangang magtiis ng marami ang Anak ng Tao. Itatakwil nga siya ng mga Matatanda ng bayan, ng mga Punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong araw.”
Pagninilay:
Isang araw, tinanong ni Jesus ang kanyang mga alagad tungkol sa pagkakakilanlan sa kanya: “Sino ako ayon sa mga tao?” Si Juan Bautista, si Elijah, isa sa mga propeta noong unang panahon … ay ilan sa mga sagot nila. Tinanong muli sila ni Jesus kung ano ang pagkakakilala nila sa kanya. Sumagot si Pedro na Siya ang “Mesiyas ng Diyos.” Pagkatapos ay mahigpit na ipinagbawal ni Jesus sa kanila na huwag sabihin kaninuman, na kailangang magdusa, itakwil at patayin ang Anak ng Tao ngunit sa ikatlong araw Siya ay bubuhayin muli.
Bilang Mesiyas, kailangang magdusa at mamatay si Hesus para iligtas tayo. Hinahamon tayong unawain nang malalim ang katumbas na halaga ng kanyang pagdurusa. Naligtas tayo dahil sa Kanyang dakilang pagmamahal na ipinakita noong Biyernes Santo. Sa pamamagitan ng Kanyang passion, tinubos niya at gumaling tayo mula sa ating pagkasira o brokenness.
Kapag matiyagang tiniis ang pagdurusa, nagdudulot ito ng kabutihan para sa lahat. Sa pamamagitan ng ating mga pasakit, kalungkutan, at kabiguan, nakikibahagi rin tayo sa pagdurusa ni Hesus.
“Sino ako ayon sa iyo?” Ano ang magiging tugon natin kay Hesus ngayon kung tayo’y kanyang tatanungin? Si Hesus ang ating Tagapagligtas at hinahamon niya tayo na mamuhay nang karapat-dapat bilang isang Kristiyano. Araw-araw, hilingin natin ang biyaya ng Panginoon na pabanalin ang ating isip, salita at gawa upang mamuhay tayong laging naaayon sa Kanyang kalooban.