Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 28, 2021 – MARTES SA IKA -26 NA LINGGO NG TAON | Paggunita kay San Lorenzo Ruiz at mga kasama, mga martir

EBANGHELYO: Lk 9:51-56

Nang papalapit na ang panahon ng pag-aakyat sa kanya, tahasang ipinasya ni Jesus na pumunta sa Jerusalem. Nagpadala s’ya ng mga sugo upang mauna sa kanya at pumasok sila sa nayon ng mga Samaritano para ihanda ang kanyang matutuluyan. Ngunit ayaw nila siyang tanggapin dahil papunta s’ya sa Jerusalem. Kaya sinabi sa kanya ng kanyang mga alagad na sina Jaime at Juan: “Panginoon, gusto mo bang tumawag kami ng apoy na babagsak mula sa Langit para puksain sila?” Lumingon si Jesus at pinagwikaan sila at sa ibang bayan sila nagpunta.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Ano ang kadalasang nagiging reaksyon mo kapag may taong nakasakit sa iyo? Siguro gaya rin tayo nina Santiago at Juan. Gusto nating gumanti/ gamit ang anumang meron tayo. Narinig natin sa ebanghelyo na nais nilang paulanan ng apoy/ ang mga Samaritanong ayaw kay Hesus/ pero sinaway sila ni Hesus. Gusto nating gumanti/ kasi ayaw nating nasasagi ang ating pride. Gusto nating ibangon ang ating naapakang ego. Pero alam nyo ba/ na pagpapakumbaba ang daan/ upang bumuhos ang grasya ng Diyos? Minsan isang client ng aming Paulines Media Center/ ang may inutusang kunin ang kanyang pina-reserved na item. Kaya lang, mali ang sinabi ng inutusan/ kaya di ko ibinigay yung item dahil wala namang pinadalang pambayad. Nag-video call ang taong nagpareserved upang magpaliwanag./ Unfortunately, di ko pa gaanong alam gamitin ang aming gadget. Nawawalan ng sound kapag nag video call. Sa sobrang inis ng client, sinabihan nya ako, “hindi ka kasi marunong, use head set”. Aray! Nang-insulto pa! Kaya nagdala na ako ng headset kinabukasan/ at sinubukan ang kanyang suggestion. Gumana nga ang sound! Nang matanto ko na tama ang sinabi nya, mas pinili ko ang magpakumbaba at mag sorry sa kanya. Hindi ko inaasahan/ na ang pagpapakumbaba ko palang yon/ ang magiging daan/ upang umusbong ang isang pagkakaibigan. Mga kapatid, believe me, it’s better to have friends than enemies. Mas masaya at mapayapa ang buhay. Si San Lorenzo Ruiz ang unang Filipinong martir/ ay tinorture at pilit pinapatalikuran ang pananampalatayang Katoliko. Pero, walang galit niyang tinanggap ang kamatayan/ kesa talikuran ang pananampalataya sa Diyos.