Daughters of Saint Paul

Setyembre 28, 2024 – Sabado | Paggunita kay San Lorenzo Ruiz at mga Kasama, mga martir

Ebanghelyo: Lucas 9, 43b-45

Nang lubos na nagtataka ang lahat dahil sa mga ginagawa ni Jesus, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Itanim n’yong mabuti sa inyong pandinig ang mga kataga kong ito: ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao.” Hindi nila naintindihan ang pahayag na ito at nalingid ito sa kanila upang hindi nila maunawaan. At takot naman silang magtanong sa kanya tungkol sa pahayag na ito.

Pagninilay:

Pagninilay:

Maiksi ang Mabuting Balita natin ngayon ngunit malaman ito. Narinig natin sa simula ang pagkamangha at kasiyahan ng mga alagad ni Hesus dahil sa kanyang mga ginawa. Ramdam nila ang tagumpay sa mga ginawa ni Hesus. Ngunit habang sila ay nagsasaya, sinabi ni Hesus na “Ipagkakanulo ang anak ng tao sa kamay ng mga tao”. At narinig natin sa Ebanghelyo na nalingid sa mga disipolo ang ibig sabihin nito pero sa kabila ng hindi nila pagkaunawa sa winika ni Hesus, ay natakot silang magtanong.

May mga pangyayari sa buhay natin na hindi rin natin naiintindihan kung bakit nangyayari. O minsan naman, ayaw nating intindihin ang pangyayari o mga sinasabi, lalo na kapag medyo masakit o mahirap nang tanggapin. Nagsasabi tayo ng “change topic na” kapag masyadong mabigat na ang ating pinag-uusapan. Natatakot tayong harapin ang hirap ng sitwasyon. Ngunit may mga bagay na kailangan nating harapin at bigyan ng pansin, mahirap man ito o masakit.

Nandiyan lagi ang Panginoon na handang dumamay sa atin. Huwag tayong matakot magtanong at dumulog sa kanya. Handa siyang makinig sa atin. Minsan hindi agad nasasagot ang ating mga tanong, Magtiwala tayo na sa tamang panahon mahahayag ito. Pero kung hindi naman mahayag, maaring nilugod ng Diyos na manatili itong misterio sa atin para mapalalim ang ating pananampalataya. Manalig tayo sa Diyos.

Ipinagdiriwang natin sa araw na ito ang kapistahan ni San Lorenzo Ruiz at ang kanyang mga kasama, mga martir na nag-alay ng kanilang buhay para sa ating pananampalataya. Tunay at tapat ang pagsunod natin kay Hesus kung handa tayong makibahagi sa kanyang paghihirap at kung pinapasan natin ang krus na kasama siya. Magtiwala tayo na may magandang maidudulot ito sa ating buhay. Kung hindi man ngayon ngunit sa darating na panahon.

Manalangin tayo: Panginoon, buksan mo po ang aming puso’t isipan sa iyong presensya at galaw sa aming buhay upang maging handa kami sa mga paghihirap na aming daranasin. Palalimin mo po ang aming pananampalataya na kasama ka namin sa bawat yugto ng aming buhay. Amen.