EBANGHELYO: Jn 1:47-51
Nakita ni Jesus na palapit sa kanya si Natanael at sinabi niya tungkol sa kanya: “Hayan ang tunay na Israelitang walang pagkukunwari.” “Paano mo ako nakilala?” “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, habang nasa ilalim ka ng puno ng igos, nakita na kita.” “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.” “Sinabi ko lang sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos, at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo. Talagang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong nakabukas ang Langit at panhik-panaog sa Anak ng Tao ang mga anghel ng Diyos.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Fr. Micha Miguel Competente ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Sa bibliya, may tatlong anghel na binigyan ng pangalan. Una, si San Miguel o St. Michael ang prinsipe ng mga anghel. Ang ibig sabihin ng kanyang pangalan ay Who is like God? Siya ang kumalaban kay Satanas noong siya’y nagrebelde, dahil gusto ni Satanas na maging katulad siya ng Diyos sa lahat ng bagay. Kaya tinanong siya ni San Miguel, Sino ba ang katulad ng Diyos? Ikaw ba ay katulad ng Diyos? Nagpapanggap ka lang na tulad ka ng Diyos! Pangalawa, Si San Gabriel ang nagpahayag ng mensahe kay Maria tungkol sa pagsilang ni Hesus, at ang ibig sabihin ng kanyang pangalan ay Strength of God, lakas ng Diyos. Panghuli, si San Raphael, na ang ibig sabihin ay God heals, ang Diyos na nagpapagaling.// Ang mga anghel ay mga nilalang ng Diyos na kanyang pinapadala upang maghatid ng kanyang mensahe, ipagtanggol tayo sa mga masasamang elemento at bigyan tayo ng kagalingan. Hindi man natin sila nakikita dahil sila ay pawang mga espiritu lamang, pero nakikita naman nila tayo at patuloy silang naglalakbay kasama natin. Ang pagbaba ni Hesus sa kalangitan ang siyang naging daan upang ang mga anghel ay makababa at samahan tayo, hanggang sa ating pag-akyat sa langit. Patunay lamang na ang presensya ng Diyos ay patuloy na sumasaatin saan man tayo pumunta. Nakikita ng Diyos ang bawat galaw natin. Kaya sa pamamagitan ng mga anghel, maaari tayong humingi ng tulong upang magabayan tayo sa pagpili ng bawat gawain at desisyon sa buhay.// Mga kapatid, hingin natin sa tatlong arkanghel na gabayan tayo, sa paghahatid ng mabuting balita sa bawat isa. Tulungan tayo na maipagtanggol ang mga naaapi at mga dukha, at magbigay lakas at pag-asa nawa tayo, sa mga maysakit at karamdaman. Amen.