Ebanghelyo: Marcos 9, 38-43. 45. 47-48
Sinabi ni Juan kay Jesus: “Guro, nakita namin ang isang di natin kasama na nagpapalayas ng mga demonyo sa bisa ng iyong pangalan. Ngunit pinigil namin siya dahil hindi natin siya kasama.” At sinabi ni Jesus: “Huwag n’yo siyang pigilan. Wala ngang gumagawa ng himala sa bisa ng aking pangalan na agad na magsasalita laban sa akin. Kakampi natin ang hindi natin kalaban. At sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kung may magpapainom sa inyo ng malamig na tubig alang-alang sa aking pangalan dahil kay Kristo kayo, talagang sinasabi ko sa inyo na hindi siya mananatiling walang gantimpala. Ngunit kung may tumisod at magpadapa sa isa sa maliliit na ito, mas makabubuti pa para sa kanya na itapon sa dagat na may taling malaking bato sa kanyang leeg. Kung ang mga kamay mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok na pingkaw sa buhay kaysa matapon sa walang hanggang apoy ng impiyerno na may dalawang kamay. At kung ang mga paa mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo na pumasok na pilay sa buhay kaysa matapon sa impiyerno na may dalawang paa. At kung ang mga mata mo ang nagtutulak sa iyo sa kasalanan, itapon mo ito. Mabuti pa sa iyo na pumasok sa Kaharian ng Diyos na may isang mata kaysa matapon sa impiyerno na may dalawang mata, kung saan ‘walang tigil ang mga uod sa kanila at walang kamatayan sa apoy.”
Pagninilay:
Meron ka bang bias sa mga taong iba ang sekta o relihiyon? Ang bestfriend ko noong high school ay isa nang pastor ngayon. Noong una kaming nagkita, ilang taon matapos kong malaman na iba na ang relihiyon niya, wala namang nagbago sa pakikitungo namin sa isa’t isa. Walang naging diskusyon tungkol sa mga doktrina. Hindi namin pinag-usapan kung sino sa aming dalawa ang unang makakapasok sa langit. Bagkus, binalikan namin ang masasayang alaala ng aming pagkakaibigan at pinagsamahan noong magkaklase kami. Kaya naman naniwala ako na pagkatapos noon, buong-buo pa rin ang pagkakaibigan naming dalawa. Nanatili ang respeto namin sa bawat isa.
Isang magandang paalala ang muling pagkikita naming magkaibigan na ang tanging mithiin ng pananampalataya ay pagkakaugnay at kapayapaan, hindi pagkawatak-watak. Ang totoong pananampalataya ay isang tulay tungo sa pagkakaisa na puno ng pag-asa. Lahat tayo’y naging mga anak ng iisang Diyos dahil sa pagliligtas ni Kristo. Maging daan nawa ang ating pananampalataya tungo sa mas malalim na respeto at pag-unawa sa paniniwala at tradisyon ng ating kapwa, iba man ang pinili nilang pamamaraan ng pagsamba. Isang konkretong pagsasabuhay ito sa tinuran ng Panginoon sa ebanghelyo ngayon: “Ang sino mang hindi laban sa atin ay panig sa atin.” Amen.