BAGONG UMAGA
Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa Ika-dalawampu’t dalawang Linggo sa karaniwang Panahon ng ating liturhiya. Pasalamatan natin Siya sa Kanyang walang hanggang pag-ibig sa bawat isa sa atin. Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata labing-anim, talata dalawampu’t isa hanggang dalawampu’t pito.
EBANGHELYO: Mt 16:21-27
Ipinaalam ni Jesucristo sa kanyang mga alagad na kailangan siyang pumunta sa Jerusalem: pahihirapan siya ng mga Matatanda ng mga Judio, ng mga Punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya at muling babangon sa ikatlong araw. Dinala naman siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagsabihan: “Huwag sana, Panginoon! Hindi ito puwede.” Ngunit hinarap ni Jesus si Pedro at sinabi sa kanya: “Sa likod ko Satanas! At baka mo pa ako tisurin. Hindi sa Diyos galing ang iyong iniisip kundi mula sa tao.” Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kung may ibig sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ang mawawalan nito ngunit ang naghahangad na mawalan nito ang makakatagpo nito. Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig kung sarili naman niya ang mawala? Sa ano maipagpapalit ng tao ang kanyang sarili? Darating nga ang Anak ng Tao taglay ang kaluwalhatian ng kanyang Ama at kasama rin ang kanyang mga banal na anghel, at doon niya gagantimpalaan ang bawat isa ayon sa kanyang mga gawa.
PAGNINILAY
Isinulat ni Fr. Rolly Garcia Jr., Director ng Biblical Apostolate ng Archdiocese of Manila ang pagninilay sa Ebanghelyo. Narinig nating ipinahayag ni Hesus ang kanyang paghihirap, kamatayan, at muling pagkabuhay sa kanyang mga alagad. Makikita natin dito ang dalawang mahahalagang aral na maaari nating gamitin sa ating buhay bilang mga Kristiyano. // Una, tungkol sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Hindi matanggap ni Pedro na ang kanyang Panginoon ay magdurusa at mamamatay. (Pero sinabi ni Hesus kay Pedro na siya’y nag-iisip ayon sa mga bagay ng tao, at hindi sa mga bagay ng Diyos.) Bilang mga alagad ni Hesus, tinatawag tayong sumunod sa kanyang halimbawa, at tanggapin ang kanyang kalooban para sa atin. Hindi natin dapat ipaglaban ang ating sariling gusto o interes, kundi magtiwala sa kanya, na siya’y may mas mainam na layunin para sa atin. // Ikalawa, tungkol sa pagpapasan ng ating krus. Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, na kung sino man ang nagnanais na sumunod sa kanya, dapat itakwil ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa kanya. Ang pagpapasan ng krus ay hindi lamang tungkol sa pagtitiis ng mga hirap o problema, kundi pati na rin sa pag-ibig at paglilingkod. (Ang bawat isa sa atin ay may iba’t ibang uri ng krus na dapat dalhin: maaaring ito ay isang sakit, isang pagsubok, isang responsibilidad, o isang hamon. Ang mahalaga, hindi natin ito dalhin nang mag-isa, kundi kasama si Hesus, na siyang nagbigay ng halimbawa at lakas para sa atin.) // Mga kapatid, nawa’y maging inspirasyon natin ang salita ng Diyos upang sumunod kay Hesus nang may pananampalataya at pag-asa. Amen.