Daughters of Saint Paul

Setyembre 30, 2016 – BIYERNES Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon / San Geronimo, pari at pantas ng Simbahan

Lk 10:13-16

Sinabi ni Jesus: “Sawimpalad ka, Corazin! Sawimpalad ka, Betsaida! Kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sana silang nagdamit-sako at naupo sa abo at nakapagbalik-loob. Kaya magaan pa ang sasapitin ng Tiro at Sidon kaysa inyo sa araw ng paghatol. At ikaw naman, Capernaum, dadakilain ka kaya hanggang langit? Hindi! Ibubulid ka sa impiyerno!

       “Ako ang dinidinig ng nakikinig sa inyo at ako ang di tinatanggap ng di tumatanggap sa inyo. At ang hindi tumatanggap sa akin ay hindi tumatanggap sa nagsugo sa akin.”

REFLECTION

Mga kapatid, nasaksihan ng bayan ng Corazin at Betsaida ang mga himalang ginawa ni Jesus.  Nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, lumilinis ang mga ketongin, nakakarinig ang mga bingi at nagigising ang patay.  Pero sa kabila ng mga himalang ito sarado pa rin ang puso ng mga tao dito at hindi nagbalik-loob.  Hindi nila lubos na maunawaan na ang mga himalang ginagawa ni Jesus, tanda ng pagdating ng Kaharian ng Diyos.  Kaya kinakailangang magsisi sa kasalanan upang maging karapatdapat sa pagtanggap ng kaligtasang ibinibigay Niya.  Hindi rin nila tinanggap ang mga alagad ni Jesus, na Kanyang isinugo upang palaganapin ang Kanyang mensahe.  Bunga ito ng paniniwala ng mga Judio na tiyak na ang kanilang kaligtasan, dahil sila ang bayang pinili ng Diyos at may karapatan sila sa iba pang biyayang mula sa Kanya.  Mga kapatid, ang himala tawag tungo sa pagsisisi at pagtanggap sa kung ano ang kaloob sa atin ng Diyos.  Nangangahulugan ito ng pagtanggap sa mga sugong nananawagan para sa isang radikal na pagbabago ng buhay.  Sa ating personal na buhay, paano ba tayo nakatutugon sa panawagang magsisi sa mga kasalanan at magbagumbuhay?  Naghahanap pa ba tayo ng mga konkretong himala mula sa Diyos bago makatugon sa panawagang ito?  Hindi pa ba sapat na himala ang mga bagay na patuloy na ipinagkakaloob ng Diyos  para tayo mabuhay? Ang sikat ng araw, ang buhos ng ulan, ang hanging ating nilalanghap, ang tubig na ating iniinom, ang mga pagkaing nagbibigay sa atin ng lakas, ang pamilyang  kumakalinga at nagmamahal sa’tin – ilan lamang ito sa mga konkretong himala na araw-araw nating tinatanggap.  Naipagpapasalamat ba natin sa Diyos ang mga biyayang ito?  Panginoon, patawarin Mo po ako sa maraming pagkakataong nakalimutan kong magpasalamat dahil mas pinagtuunan ko ng pansin ang mga negatibo at di kanais-nais na pangyayari sa aking buhay.  Amen.