BAGONG UMAGA
Purihin ang Diyos sa papatapos nang buwan ng Setyembre. Pasalamatan natin Siya sa lahat ng kaganapan sa buong buwan – masaya man ito o malungkot, naging matagumpay may tayo o bigo – dahil nananalig tayo na lahat nang pinahihintulutan ng Diyos na mangyari, may aral na nais ituro sa atin. Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. May aral tungkol sa tamang pagtanggap ng mga paghihirap sa buhay ang Mabuting Balitang maririnig natin ayon kay San Lukas kabanata siyam, talata apanapu’t tatlo hanggang apatnapu’t lima.
EBANGHELYO: Lk 9:43-45
Nang lubos na nagtataka ang lahat dahil sa mga ginagawa ni Jesus, sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Itanim n’yong mabuti sa inyong pandinig ang mga kataga kong ito: ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao.” Hindi nila naintindihan ang pahayag na ito at nalingid ito sa kanila upang hindi nila maunawaan. At takot naman silang magtanong sa kanya tungkol sa pahayag na ito.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Cl. Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Taong 2012 bago ako pumasok sa seminaryo, ininterview po ako ng isang Obispo. Matapos mag-usap, pinaalalahanan niya ako ng ganito: “Vinz, hindi langit ang seminaryo. Kung minsan dun mo pa makakasalamuha ang mga taong hindi mo inaasahan…” Bago ako pumasok, baon ko lamang ang mga salita niya sa aking puso’t isipan. Habang tumatagal ako sa loob, dumadami ang mga nakikilala’t nararanasan—lagi kong naaalala ang sinabi ni Bishop. Masasabi ko, na naintindihan ko na si Bishop matapos ang halos 11 years ko sa loob ng seminaryo. At tiyak kong maaaring higit pa sa mga susunod na taon. Sa ating ebanghelyo, maihahalintulad ko ang aking karanasan sa nangyari sa mga Apostol ng ating Panginoong Hesus. Masaya sila dahil, yes… kung minsan may mga tagpong mistulang bigo sila…pero gagawa ng Milagro si Hesus—nagpapagaling, nagpapakain ng marami, bumubuhay ng patay, nagpapaalis ng mga demonyo at iba pa. mula kabiguan, may tagumpay, dahil may Hesus! Pero ngayon, di nila maintindihan pang lubos… bakit sinasabi niyang mamamatay siya at maghihirap sa kamay ng mga namumuno? Hindi nila lubos maintindihan. Valid naman ang sentiments ng mga apostol. Gayunpaman, nais sa ating ituro ni Hesus, na bagamat laging may tagumpay sa piling niya…huwag nating kalimutan ang krus ng paghihirap at pagkamatay. Maganda ho ang tinuran ni Ven. Fulton Sheen: “It is part of the discipline of God to make His loved ones perfect through trial and suffering. Only by carrying the Cross can one reach the Resurrection.” Mga Kapatid,sa mga pagkakataong hindi natin maintindihan ang mga sitwasyon, mistulang talo’t bigo…manatili nawa tayong matatag sa pag-asa’t pananampalatayang mayroong Hesus na maghahatid ng tagumpay!