Daughters of Saint Paul

Setyembre 4, 2016 LINGGO Ika-23 Linggo ng Karaniwang Panahon

Kar 9:13-18b – Slm 90 – Flm 9-10, 12-17 – Lk 14:25-33

Habang naglalakad ang napakaraming tao na kasama ni Jesus, humarap siya sa kanila at sinabi:  “Kung may dumating sa akin na hindi nagtatakwil sa pag-ibig sa kanyang ama at ina, at asawa at mga anaki, at mga kapatid na lalaki at babae, at maging sa kanyang sarili, hindi siya puwedeng maging alagad ko.  At hindi puwedeng maging alagad ko ang hindi nagpapasan ng kanyang krus sa pagsunod sa akin.

            “At paano kung may magbalak magtayo ng silungan ng bantay sa bukid?  Hindi ba’t uupo muna siya at tatantyahin ang gastos para malaman kung may sapat siya para maipatapos iyon?  Sapagkat kung mailagay niya ang pundasyon at hindi naman niya iyhon maipatapos, pagtatawanan lamang siya ng lahat:  ‘Hayan ang nagsimulang magtayo at hindi na maipatapos.’

            “At paano kung may haring nakikipagharap sa ibang hari?  Hindi ba’t uupo muna siya para mag-isip kung kaya niya at ng sampung libong kasama niya na harapin ang dumarating na may dalawampung libo?  At kung hindi naman, malayo pa ang isa ay magpapadala na siya ng mga sugo para makipag-areglo.  Gayon din sa inyo.  Hindi puwedeng maging alagad ko ang hindi tumatalikod sa lahat ng kanya.”

REFLECTION

Ang Ebanghelyong ating narinig, malinaw na paglalahad ng mga kinakailangang gawin ng isang tagasunod ng Panginoon.  Mamuhi sa tatay at nanay.  Pasanin ang krus.  Talikdan ang lahat ng mga ari-arian.  Siguro ang ilan sa atin, nag-iisip na, imposible at hindi makatao ang hinihinging ito ng Panginoon. Marahil din magkikibit balikat lang tayo at palalabasin lang sa kabilang tenga ang narinig natin.  Mga kapatid, ang hinihingi ni Jesus sa mga alagad, patunay lamang na hindi madali at seryosong bagay ang pagiging alagad.  Ang pagsunod sa Kanya, hindi isang larong kapag napagod o tinamad na, basta-basta na lamang iiwanan.  Nang iutos ni Jesus na itakwil ang tatay at nanay, hindi ito isang emosyonal na pagkamuhi o sentimental na pag-ayaw sa isang tao.  Wika nga ng isang manunulat, nais lamang sabihin ni Jesus na ang pagsunod sa Kanya ang dapat manguna sa listahan ng ating mga pinapahalagahan – mas una pa ito kaysa sa pinakamahalagang relasyon natin sa buhay.  Sinasabi ni Jesus na hindi dapat manguna at maging mas mataas pa ang pagmamahal sa pamilya at kaibigan kaysa sa pag-ibig natin sa Diyos.  Hilingin natin ang biyayang unahin natin ang Panginoon sa hanay ng ating mga relasyon at mga pinagkakaabalahan.