EBANGHELYO: Lk 6:1-5
Isang Araw ng Pahinga, naglalakad si Jesus sa bukirin ng trigo. Nangyari na hinimay ng kanyang mga alagad ang mga butil sa pagkiskis sa kanilang mga kamay, at kinain ang mga ito. Sinabi ng ilang Pariseo: “Bakit n’yo ginagawa ang ipinagbabawal sa Araw ng Pahinga?” Ngunit nagsalita si Jesus at sinabi niya sa kanila: “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at kanyang mga kasama? Pumasok siya sa Bahay ng Diyos, kinuha ang tinapay na inihain para sa Diyos, kinain ito at binigyan pa ang kanyang mga kasamahan, gayong bawal itong kainin ninuman liban sa mga pari.” At sinabi pa niya sa kanila: “Panginoon ng Araw ng Pahinga ang Anak ng Tao.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Ma. Janice Golez ng Pious Disciples of the Divine Master ang pagninilay sa ebanghelyo. Ang sobrang mahigpit na pagpapatupad ng anumang batas ay maaaring humantong sa paglimot ng diwa nito. Ito ang ipinahahayag ng Mabuting Balitang ating narinig. Si Hesus mismo ang nagbigay linaw sa malabong pananaw ng mga Pariseo ukol sa Sabbath. Ang mga Pariseo ay grupo ng mga dalubhasa sa Mosaic Law – ang batas na ibinigay ni Moises sa kanilang mga ninuno. Abala sila sa mahigpit na pagsunod pero malayo sila sa tunay na diwa ng mga ito. Halimbawa, ang tamang pag-unawa sa tunay na kabuluhan ng Sabbath ay nawala na sa kanilang kamalayan. Basta ipinagbabawal, absolutely bawal! Istriktong pagsunod lamang ang nais nila, kahit pa ito’y hadlang na sa kabutihan ng tao. Nalalarawan ito sa kanilang naging reaksiyon nang makita nila ang mga alagad ni Hesus na namitas ng mga uhay at kinain pagkatapos. Ang Sabbath ay araw ng pamamahinga; ang paggunita sa ikapitong araw na tumigil sa paggawa ang Diyos, matapos Niyang likhain ang lahat sa sansinukob. Obviously, ang pinakadiwa nito ay ang kabutihan ng tao. Kaya maari nating sabihin na ang Sabbath ay araw ng pamamahinga, di lamang sa pisikal na gawain kundi pati na rin sa anumang pasanin sa buhay—problema, takot, pag-aalinlangan, hidwaan at di pagkakaintindihan. Aba’y halatang di pahinga ang matatamo ninuman, dahil sobrang higpit ang pinaiiral sa pagsunod sa batas. Mga kapatid, ninanais ng Diyos ang kabutihan ng bawat isa sa atin. Huwag sana nating limutin na ito ang pinakadiwa ng anumang batas. Dahil si Hesus na mismo na Syang Panginoon ng Sabbath ang nagwika nito.