Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 4, 2023 – LUNES NG IKA-22 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON    

BAGONG UMAGA

Isang masigla at puno ng pag-asang araw ng Lunes ginigiliw kong kapatid kay Kristo.  Pasalamatan natin ang Diyos sa handog Niyang buhay at kalakasan.  Isang mainit na pagbati po ng happy-happy birthday sa lahat ng nagdiriwang ng kaarawan ngayon, at sa buong linggong ito. Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata apat, talata Labing-anim hanggang tatlumpu.

EBANGHELYO: Lk 4:16-30

Pagdating ni Jesus sa Nazaret, kung saan siya lumaki, pumasok siya sa sinagoga sa Araw ng Pahinga ayon sa kanyang kinaugalian. Tumindig siya para bumasa ng Kasulatan, at iniabot sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Sa paglaladlad niya sa rolyo, natagpuan niya ang lugar kung saan nasusulat: “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon kayat pinahiran niya ako upang ihatid ang Mabuting Balita sa mga dukha. Sinugo niya ako upang ipahayag ang paglaya sa mga bilanggo, sa mga bulag ang pagkabawi ng paningin, upang bigyang-ginhawa ang mga api, at ipahayag ang taon ng kabutihang-loob ng Panginoon.” Binilot ni Jesus ang aklat, ibinigay ito sa tagapaglingkod at naupo. At nakatuon sa kanya ang mga mata ng lahat ng nasa sinagoga. Sinimulan niyang magsalita sa kanila: “Isinakatuparan ang Kasulatang ito ngayon habang nakikinig kayo.” At sumang-ayon silang lahat sa kanya habang nagtataka sa gayong pagpapahayag ng kabutihang-loob ng Diyos na nanggaling sa kanyang bibig. At sinabi nila: “Hindi ba’t ito ang anak ni Jose?” Nagsalita si Jesus sa kanila: “Tiyak na babanggitin ninyo sa akin ang kasabihang: ‘Manggagamot, pagalingin mo ang iyong sarili! Gawin mo rin dito sa iyong bayan ang mga bagay na narinig naming ginawa mo sa Capernaum’.” At idinagdag niya: “Talagang sinasabi ko: walang propetang katanggap-tanggap sa sarili niyang bayan. Tinitiyak ko sa inyo na maraming biyuda noon sa kapanahunan ni Elias nang sarhan ang Langit sa loob ng tatlo’t kalahating taon at nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Gayon pa ma’y hindi ipinadala si Elias sa isa man sa kanila kundi sa biyuda ng Serepta sa may Sidon. Marami ring mayketong sa Israel sa kapanahunan ni propeta Eliseo pero wala sa kanilang pinagaling kundi ang Siriong si Naaman.” Napuno ng galit ang lahat sa sinagoga pagkarinig dito, tumindig sila at ipinagtulakan siya sa labas ng bayan. Dinala nila siya sa gilid ng burol na kinatatayuan ng kanilang bayan para ihulog. Ngunit dumaan siya sa gitna nila at umalis.   

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Nakakapanlumo ang pa-welcome kay Hesus ng kanyang mga kababayan sa Nazaret. Opo, pinuri nila siya, humanga sila sa napakahusay niyang pananalita.   Pero hindi naman talaga nila naisapuso ang mensahe, at pagpapalang dala ng presensiya ni Hesus.   Nakatuon lamang sila kay Hesus bilang anak ni Jose, ang karpintero. Sa dulo ng Ebanghelyo, nagalit pa sila!  Itinaboy si Hesus palabas, papunta sa gilid ng bundok upang ihulog sa bangin.  Mga kapatid, hindi ba may mga pagkakataon din, na inilalagay natin sa kahon ng kanyang nakaraan ang ating kapwa, na para bagang walang kapangyarihan ang Panginoong baguhin ang kanyang buhay? Alalahanin natin, na inakay tayo ng Panginoon sa ating pinagpalang kinalalagyan ngayon, dahil hindi nakabase sa ating nakaraan ang Kanyang plano sa bawat isa sa atin. (Manalig tayo sa kapangyarihan ng Panginoong baguhin at puspusin ng Kanyang pagpapala ang ating buhay, ano pa man ang ating nakaraan. Nais ng Panginoong pagpalain ang Kanyang mga anak, nawa’y matuto tayong ituon ang ating mga mata sa mga dakilang bagay na ginawa Niya sa ating buhay, at sa buhay ng ating kapwa. Amen.