Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 5, 2021 – IKA -23 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mk 7:31-37

Umalis si Jesus sa lupain ng Tiro at dumaan sa Sidon papunta sa lawa ng Galilea. Pagdating niya sa lupain ng Decapolis, may mga nagdala sa kanya ng isang bingi na halos hindi makapagsalita. At hiniling nila kay Jesus na ipatong dito ang kamay. Matapos siyang ihiwalay sa mga tao, inilagay niya ang kanyang daliri sa tainga ng tao at dumura at saka hinipo ang kanyang dila. At tumingala siya sa Langit, nagbuntong hininga at sinabi: “Ephphata,” na ang ibig sabihi’y “Buksan.” Nabuksan ang mga tainga ng tao at biglang nakalag ang dila niyang nakabuhol kaya nakapagsalita siya nang tuwid. Tinagubilinan sila ni Jesus na huwag sabihin ito kaninuman ngunit habang pinagbabawalan sila, lalo naman silang nagpapahayag. Labis na namangha ang mga tao at sinabi nila: “Pinaiigi niya ang lahat: nakaririnig ang bingi at nakapagsasalita ang pipi.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Micha Miguel Competente ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Binigyan tayo ng Diyos ng dalawang tainga at isang bibig upang ipaalala sa atin na makinig muna bago magsalita. Sa pakikinig, doon tayo natututo; at sa pagsasalita doon tayo nakapagtuturo. O maaaring baliktad, sa pakikinig doon tayo nakapagtuturo at sa pagsasalita doon naman tayo natututo. Palaging konektado ang tainga at bibig, ang pakikinig at ang pagsasalita. Hindi pwedeng nakikinig lang tayo at walang naman tayong sinasabi; at hindi naman pwedeng tayo lang ang may sinasabi pero hindi naman tayo nakikinig. Kaya nga sa ebanghelyo, matapos buksan muli ni Hesus ang pandinig ng isang bingi, gumaling din ang kanyang pagkautal at muli siyang nakapagsalita.// Mga kapatid, kung nais maging bukas ang daluyan ng komunikasyon sa ating buhay, inaanyayahan tayong maging active listener at maging listening speaker. Hindi lamang tayo dapat tanggap ng tanggap, oo ng oo. Dapat marunong din tayong kilatisin at suriin ang mga bagay na pinakikinggan at tinatanggap natin. Maglaan tayo ng oras at panahon para suriin kung tama o mali ang mga ito. At hindi lang tayo makikinig, kundi magsalita rin tayo ng may kahinahunan at may pag-iingat lalo na para sa ikabubuti ng nakararami. Kung hindi tayo magsasalita sa mga bagay na maaaring ikapapahamak ng iba, baka ito pa ang maging sanhi ng kanilang pagkabingi at pagkapipi. (Huwag nating sayangin ang pagkakataong makapagsasalita tayo dahil baka pagsisihan natin ito at ang tanging masasabi na lang natin, “Sabi ko na nga ba!”// Mga kapatid, palagi tatandaang ang isang tunay na nakikinig ay nagsasalita, at ang tunay na nagsasalita ay nakikinig. Bago magsalita, makinig. Higit sa lahat, makinig palagi sa boses ng Espiritu Santo upang mabuksan at magabayan ang ating puso at diwa.)