Col. 1:1-8 Slm. 52:10,11 Lk 4:38-44
Lk 4:38-44
Pag-alis ni Jesus sa sinagoga, nagpunta siya sa bahay ni Simon. Inaapoy ng lagnat ang biyenang babae ni Simon. Kayat pinakiusapan nila siya tungkol sa kanya. Pagkayuko ni Jesus sa kanya, inutusan niya ang lagnat at nilisan siya nito. Kaagad siyang tumindig para maglingkod sa kanila.
Paglubog ng araw, dinala naman sa kanya ng lahat ng tao ang kasama nilang mga may sakit ng iba’t ibang karamdaman. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa bawat isa sa kanila at pinagaling sila. Lumabas ang mga demonyo mula sa maraming tao at pasigaw na sinabi ng mga ito: “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Ngunit pinatatahimik niya sila at di pinahihintulutang magsalita dahil alam ng mga ito na siya ang Mesiyas.
Nang mag-uumaga na, lumabas si Jesus at pumunta sa isang ilang na lugar. Ngunit pinaghahanap siya ng maraming tao, at nang matagpuan siya’y sinikap nilang hadlangan na makaalis pa siya sa kanila. Pero sinabi niya sa kanila: “Dapat ko ring ipahayag ang mabuting balita ng paghahari ng Diyos sa iba pang mga bayan; ito ang dahilan kung bakit ako isinugo.” At nagpatuloy siyang mangaral sa mga sinagoga ng Judea.
PAGNINILAY
Mga kapatid, isang bagay ang pinatotohanan ng Ebanghelyong ating narinig – kayang pagalingin ni Jesus ang lahat ng uri ng karamdaman, kung nanaisin Niya. Marahil itatanong ng marami sainyo, bakit hanggang ngayon hindi pa rin ipinagkakaloob ng Panginoon ang matagal mo nang hinihihing kagalingan? Ako man, walang nakahandang sagot. Tanging ang Panginoon lamang ang nakakaalam ng tunay na dahilan. Pero bahagi ng buhay ng tao ang karamdaman, dala ng kanyang kasalanang orihinal na naging dahilan ng ating pagiging marupok at bukas sa kasalanan. Para sa Israel at sinaunang mga Kristiyano, bunga ng kasalanan ang sakit at kamatayan. Kaya naman pagsisisi sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos ang pangunahing lunas laban sa sakit at kamatayan. Pero kung gayon nga, bakit namamatay pa rin ang tao? Ito’y sa kadahilanang ang tao, nagdaraan lamang sa daigdig na ito. Wala sa mundo ang kaganapan ng kanyang buhay, kundi nasa tahanan ng Ama sa Langit. Mga kapatid, isa sa mga simbolo ng Kaharian ng Langit ang ginhawang dulot ng isang buhay na malaya sa pagkakaalipin sa masama, at kagalingan ng pangangatawan. Kaya suriin natin ang ating buhay kung ano pa ang nagiging balakid para matamo natin ang ganap na kagalingang espiritwal at pisikal na matagal na nating inaasam-asam. Panginoon, iunat Mo po sa akin ang Iyong mapagpagaling na kamay at hipuin ang bahagi ng aking katawan na matagal nang may karamdaman. Amen.