EBANGHELYO: Lk 6:6-11
Sa iba namang Araw ng Pahinga, pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. May isang lalaki na hindi maigalaw ang kanang kamay. Pinagmamasdan siya ng mga guro ng Batas at mga Pariseo, at baka pagalingin ito ni Jesus sa Araw ng Pahinga at nang maisakdal nila siya. Ngunit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya sinabi niya sa lalaking hindi maigalaw ang kamay: “Tumindig ka’t tumayo sa gitna.” Tumindig nga ito at tumayo roon. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Matanong ko nga kayo: ano ang ipinahihintulot sa Araw ng Pahinga, gumawa ng mabuti o gumawa ng masama, magligtas ng buhay o pumatay?” Tiningnan niya silang lahat sa paligid at sinabi sa tao: “Iunat mo ang iyong kamay.” Ginawa niya ito at gumaling ang kanyang kamay. Galit na galit naman sila at magkakasamang nag-usap-usap kung ano ang magagawa nila kay Jesus.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. VG ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa ebanghelyo. Ang pag-gawa ng kabutihan ay walang pinipiling oras. Hindi natin pwedeng sabihin na tutulong tayo sa oras na ibig natin at naaayon sa oras na maibibigay natin. Sa Mabuting Balita ngayon alam ni Hesus na magagalit sa kanya ang mga Pariseo kapag malaman nilang pinagaling Niya ang lalaki sa araw ng pamamahinga. Kung ginusto ni Hesus na matuwa sa Kanya ang mga Pariseo, sana sinabi na lang Niya sa lalaki: “Hijo, bumalik ka na lang bukas at pagagalingin kita” bukas at hindi ngayon. Pero sa harap ng mga Pariseo at sa araw ng Pamamahinga, ginawa ni Hesus ang nararapat, at iniligtas niya ang lalaki. Isang gawain ng awa, isang gawain ng pag-ibig, na siyang tunay na diwa ng batas.// Sa pagpapagaling ni Hesus sa lalaki, ninais din Niya na mabuksan ang saradong pag-iisip ng mga taga-Templo o sa panahon natin, mga taong Simbahan. Hangad ni Hesus na turuan sila na mas mahalaga pa sa batas, ang pag-ibig na nagbibigay kabuluhan nito; at higit sa lahat, ang pagmamalasakit sa kapwa. Mga kapatid, tulad din ba tayo ng mga Pariseo, na sumusunod sa letra ng batas lamang? Very legalistic ba tayo? Pinagpapabukas pa ba natin, ang mabuting pwede nating gawin ngayon?
PANALANGIN
Mahal na Panginoon, turuan mo kaming gumawa ng kabutihan na walang oras na pinipili, bagkus bukas loob nawa kaming tumugon sa pangangailangan ng higit na nakararami lalo na sa panahon ng pandemya. Amen.