Daughters of Saint Paul

Setyembre 7, 2016 MIYERKULES Ika-23 Linggo ng Karaniwang Panahon San Clodualdo

Lk 6:20-26

Tumingala si Jesus sa kanyang mga alagad at sinabi:

           “Mapapalad kayong mga dukha sapagkat sa inyo ang Kaharian ng Diyos.

           “Mapapalad kayong mga nagugutom ngayon, sapagkat bubusugin kayo.

           “Mapapalad kayong mga umiiyak ngayon, sapagkat tatawa kayo.

           “Mapapalad kayo kapag kinapopootan kayo ng mga tao at itinatakwil at iniinsulto, at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at lubos na magalak sa araw na iyon sapagkat malaki ang inyong gantimpalang nasa Diyos; gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa Mga Propeta.

            “Ngunit sawimpalad kayong mayayaman sapagkat tinatamasa na ninyo ang inyong ginhawa!

            “Sawimpalad kayong mga busog ngayon, sapagkat magugutom kayo.

            “Sawimpalad kayong mga humahalakhak ngayon sapagkat magluluksa kayo’t iiyak!           

            “Sawimapad kayo kapag pinag-uusapan kayo ng mabuti lahat ng tao ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.”  

REFLECTION

Napapansin n’yo ba ang mala-sawang haba ng mga nakapilang tataya sa mga lotto outlets, lalong-lalo na kapag napakalaking halaga na ang pwedeng mapanalunan? Ang makaranas ng ginhawa sa buhay, isang karapatan. Dahil dito, mauunawaan kung bakit marami ang may pangarap na yumaman sa isang mahirap na bansa tulad ng Pilipinas.  Pero sa Ebanghelyong ating narinig, puno ng kabalintunaan ang laman ng mga salita ni Jesus.  Sa sinabi ng Panginoon na:  “Mapapalad kayong mga dukha sapagkat sa inyo ang Kaharian ng Diyos,” hindi Niya nais husgahan ang mga mayayaman.  Dahil sa totoo lang, saklaw ng Kanyang pagmamahal ang kabuuang aspeto ng tao – na ang lahat ng dukha at mayaman na buo ang pananalig sa kapangyarihan ni Jesus, at gumagawa ng naaayon sa kagustuhan Niya, tunay na mapapalad at meron ng tiyak na lugar sa Kanyang kaharian. Pero, kabaliktaran naman ang maaaring sapitin ng isang dukha kung ang nilalaman ng kanyang puso, puro kasinungalingan, pandaraya at kataksilan. Gayundin, walang pag-aalinlangang mahihirapang pumasok sa Kaharian ng Diyos ang mga mayayaman na ang tinatamasang kaginhawaan, galing sa dahas o nakamit sa mapagsamantalang pamamaraan. Kung kaya, ipanalangin natin na nawa’y makuntento at maging mapagpasalamat na tayo kung ano mang meron tayo sa buhay. Maunawaan rin sana natin na ang pananalig sa kapangyarihan ng Diyos at paggawa ng kabutihan sa kapwa ang magbibigay sa atin ng tunay na kaligayahang panghabambuhay.