Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 7, 2023 – HUWEBES NG IKA-22 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON       

BAGONG UMAGA

Mapagpalayang araw ng Huwebes minamahal kong kapatid kay Kristo.  Purihin ang Diyos nating Mapagkalinga at Mapagmahal!  Ito po muli si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.  Matutunghayan natin kung paanong kumilos ang Panginoon sa gitna ng pag-aalinglangan ng mga alagad na hindi na sila makakahuli ng isda.  Pinatunayan ng Panginoon sa tagpong ito na makapangyarihan ang Kanyang salita, kapag nanalig tayong matutupad ito.  Pakinggan natin ang kabuuan ng kuwento sa Mabuting Balita ayon kay San Lukas kabanata Lima, talata isa hanggang labing-isa.

EBANGHELYO: Lk 5:1-11

Dinagsa si Jesus ng napakaraming taong nakikinig sa Salita ng Diyos at nakatayo naman siya sa baybayin ng Lawa ng Genesaret. Nakita niya noon ang dalawang bangka sa baybay. Kabababa pa lamang ng mga mangingisda mula sa mga ito para hugasan ang mga lambat. Kaya sumakay siya sa isa rito na pag-aari ni Simon at hiniling dito na lumayo ng kaunti mula sa dalampasigan. Umupo siya at mula sa bangka’y sinimulang turuan ang maraming tao. Matapos siyang magsalita, sinabi niya kay Simon: “Pumalaot ka at ihulog n’yo ang inyong mga lambat para humuli.” Ngunit sumagot si Simon: “Guro, buong magdamag kaming nagpagod at wala kaming nakuha pero dahil sinabi mo, ihuhulog ko ang mga lambat.” At nang gawin nila ito, nakahuli sila ng napakaraming isda kaya halos magkandasira ang kanilang mga lambat. Kaya kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka para lumapit at tulungan sila. Dumating nga ang mga ito at pinuno nila ang dalawang bangka hanggang halos lumubog ang mga iyon.            Nang makita ito ni si Simon Pedro, nagpatirapa siya sa harap ni Jesus at sinabi: “Lumayo ka sa akin, Panginoon, sapagkat taong makasalanan lamang ako.” Talaga ngang nasindak siya at ang lahat niyang kasama dahil sa huli ng mga isda na nakuha nila. Gayundin naman ang mga anak ni Zebedeo na sina Jaime at Juan na nga mga kasama ni Simon. Ngunit sinabi ni Jesus kay Simon: “Huwag kang matakot; mula ngayo’y mga tao ang huhulihin mo.” Kayat nang maidaong na nila ang mga bangka sa lupa, iniwan nila ang lahat at sumunod sa kanya.   

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Mga kapatid, posible ang lahat ng bagay kung kaagapay natin ang Panginoon sa ating buhay. Ito ang pinatotohanan ng ating Mabuting Balita ngayon. Magdamag na nangisda sina Simon Pedro at mga kasama niya, pero wala silang nahuli kahit isa man lamang na isda. Pero nang iminungkahi ni Hesus na magsipalaot sila at ihulog na muli ang lambat, napakaraming isda ang kanilang nahuli. Minsan, umiiral sa ating pagkatao ang pagiging sobrang bilib sa sarili. Hanggang sa umabot tayo sa puntong parang binabalewala na natin ang Diyos. Kumikilos tayo na para bang naka depende ang lahat sa ating kakayahan. Totoo na pinagkalooban tayo ng Diyos ng sapat na talino at kakayahan. Na kinakailangan nating payabungin at gamitin sa tama, para sa ikabubuti ng ating sarili at kapwa. Pero minsan, hindi natin ginagamit ang ating talino at kakayahan sa tamang paraan. Lalo na kapag umiiral ang ating kumpiyansa sa sarili, at bilib na bilib tayo, na ang tinamo nating mga tagumpay ay bunga ng ating sariling pagsisikap, kaalaman at abilidad. Kapag ganito na ang ating disposisyon, parang binabalewala na natin ang Diyos, na siyang nagbibigay sa atin ng grasya upang mapagtagumpayan ang mga hamon at balakid na nararanasan natin sa buhay.  Hilingin natin sa Panginoon ang biyayang matanto na lahat ay grasya na dapat ipagpasalamat sa Kanya.  

PANALANGIN

Panginoon, buksan Mo po ang aking mga mata, puso at isipan upang makilala ang aking tunay na pagkatao. Na ako’y isang makasalanan sa harap Mo, na nangangailangan ng Iyong awa at grasya. Tulungan Mo po akong maunawaan ang Iyong Salita na siyang bukal ng Katotohanan, at ilaw na tumatanglaw sa aking landas at nagbibigay liwanag sa aking isipan, Amen.