Daughters of Saint Paul

Setyembre 8, 2017 – BIYERNES sa Ika-22 Linggo ng Taon / Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria

Mik 5:1-4a [o Rom 8:28-30] – Slm 13 – Mt 1:1-16, 18-23

Mt 1:1-16, 18-23

Ito ang libro ng pinagmulan ni Jesucristo, anak ni David at anak ni Abraham. Si Abraham ang ama ni Isaac, si Isaac ang Ama ni Jacob, si Jacob ang ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid.

Si Juda ang ama nina Parez at Zerah (si Tamar ang kanilang ina), si Parez ang ama ni Esron at si Esron ni Aram. Si Aram naman ang ama ni Aminadab, si Aminadab ni Naason, si Naason ni Salmon.

Si Salmon ang ama ni Boaz, at si Rahab naman ang kanyang ina. Si boaz ang ama ni Obed, si Ruth ang kanyang ina. Si obed naman ang ama ni Jese.

Si Jese ang ama ni David na hari. Si David ang ama ni Solomon, at ang naging maybahay ni Urias ang kanyang ina.

Si Solomon ang ama ni Rehoboam na ama ni Abias, at sumunod naman ang mga haring sina Asa, Yosafat, Yoram, Ocias, Yoatan, Ahaz, Ezekias, Manases, Amon at Yosias.

Si Yosias ang ama ni Yekonias at ng kanyang mga kapatid, sa panahon ng pagkatapon sa Babilonia.

Pagkatapos naman ang pagkatapon sa Babilonia – si Yekonias ang ama ni Salatiel na ama ni Zorobabel.

Si Zorobabel ang ama ni Abiud, si Abiud ni Eliakim at si Eliakim ni Azor. Si Azor ang ama ni Sadok, si Sadok ni Akim, at si Akim ni Eliud. Si Eliud ang ama ni Eleazar, si Eleazar ni Matan at si matan ni Jacob.

Si Jacob ang ama ni Jose — ang asawa ni Maria na siyang pinagmulan ni Jesus na tinawag na Kristo.

Kaya may labing-apat na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David at labing-apat mula kay David hanggang sa pagkatapon sa Babilonia at labing-apat din hanggang  sa Kristo.

Ito ang pangyayaring napapaloob sa kapanganakan ni Jesucristo.  Ipinagkasundo kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa nagdadalantao na siya gawa ng Espiritu Santo.

Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya.

Habang iniisip-isip niya ito, napakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi:  “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.”

Nangyari ang lahat ng ito para matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta:  “Maglilihi ang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin nila siyang Emmanuel na ibig sabihi’y  Nasa-atin-ang-Diyos.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, ayon sa tradisyong Katoliko, ngayon ang kaarawan ng Mahal na Birheng Maria.  Marahil magtataka kayo, ba’t kaya sa Ebanghelyong narinig natin, tila si Jose ang bida sa kuwento?  Ang salinlahing binabanggit, ang salinlahi ni San Jose; at nakatuon ang Ebanghelyo sa reaksiyon ni Jose sa pagbubuntis ni Maria.  Magkagayunpaman, ginagamit ang Ebanghelyong ito sa araw ng pagsilang kay Maria dahil malinaw nitong ipinakikita ang plano ng Diyos mula pa sa panahon ni Abraham hanggang sa panahon ni Jose.  Sa pagtugon ni Maria sa planong ito ng Diyos, ipinakikita ring tama lamang na nagtiwala si Maria sa Panginoon dahil kumikilos ang Diyos sa paraang hindi inaasahan.  Oo, hindi hawak ni Maria ang magiging reaksiyon ni Jose, pero nagtiwala siya, at ang Diyos na mismo ang gumawa ng paraan upang maganap ang Kanyang kalooban kay Maria.  Mapapansin na maraming sekta ng relihiyon ang bumabalewala sa mahalagang papel ni Maria sa planong pagliligtas ng Diyos sa sanlibutan.  Ang tanong?  Buo pa rin kaya at makatotohanan ang kuwento ng kasaysayan ng pagliligtas ng sanlibutan kung aalisin si Maria?