Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 8, 2019 – IKA-23 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

EBANGHELYO: LUCAS 14:25-33

Habang naglalakad ang napakaraming tao na kasama ni Jesus, humarap siya sa kanila at sinabi: “Kung may dumating sa akin na di nagtatakwil sa pag-ibig sa kanyang ama at ina, at asawa at mga anak, at mga kapatid na lalaki at babae, maging sa kanyang sarili, hindi siya puwedeng maging alagad ko. At hindi puwedeng maging alagad ko ang di nagpapasan ng kanyang krus sa pagsunod sa akin. “At paano kung may magbalak magtayo ng silungan ng bantay sa bukid? Hindi ba’t uupo muna siya at tatantyahin ang gastos para malaman kung may sapat siya para maipatapos iyon? Sapagkat kung mailagay niya ng pundasyon at hindi naman niya iyon maipatapos, pagtatawanan lamang siya ng lahat: ‘Hayan ang nagsimulang magtayo at hindi na maipatapos.’ “At paano kung may haring nakikipagharap sa ibang hari? Hindi ba’t uupo muna siya para mag-isip kung kaya niya at ng sampung libong kasama niya na harapin ang dumarating na may dalawampung libo? At kung hindi naman, malayo pa ang isa ay magpapadala na siya ng mga sugo para makipag-areglo. Gayon din sa inyo. Hindi puwedeng maging alagad ko ang di tumatalikod sa lahat ng kanya.”

PAGNINILAY:

Mahirap maging alagad ni Jesus. Hindi pwedeng umibig sa pamilya o sa sarili nang higit sa Kanya. Hindi rin pwedeng hindi magpasan ng sariling krus. Non-negotiable ito, ika nga. Pwede mo itong ipag-walang bahala, pasanin nang pa-warde-warde, masama sa loob mo o nang kusang-loob, pero hindi mo ito matatakasan. Kristiyano ka man o hindi, magpapasan ka ng krus – walang exempted.  Minsan, kapag may nakakausap ako na nagrereklamong “Sister, ang hirap talaga ng buhay! Pagod na pagod na ako!” Sinasagot ko nang, “Of course! Normal lang yon, di ba? Alam mo, kung hindi mahirap, mababagot ka din kasi walang challenge!” Lahat tayo may dalang krus – ang mahalagang tanong: “Sino ba ang sinusundan mo?” Kapanalig, hindi biro ang maging Kristiyano. Ano man ang krus na pasan mo ngayon, yakapin mo nang buong puso alang-alang kay Kristo. At mararanasan mo na totoo ang kanyang pangako: “Lumapit kayo sa akin kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan… sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.” – Sr. Rose Agtarap, FSP