Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 8, 2021 – MIYERKULES SA IKA -23 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 1:1-16, 18-23

Ito ang pangyayaring napapaloob sa kapanganakan ni Jesucristo.  Ipinagkasundo na kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa nagdalantao na siya gawa ng Espiritu Santo. Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya. Habang iniisip-isip niya ito, napakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanyang kasalanan.”  Kaya pagkagising ni Jose ginawa n’ya ang sinabi ng Anghel ng Panginoon at tinanggap n’ya ang kanyang asawa.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Cleric Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Masyado na pong maingay ang mundo. Lahat ay nagnanais na mapakinggan. Nakakarindi, maingay! Kailan tayo tumigil sumandali at nanahimik? Sa Ebanghelyo, nais nang hiwalayan ni Jose si Maria hindi upang “mag-hugas kamay” kundi para rin hindi na malagay si Maria sa mas matinding kahihiyan. Nagbago ang lahat noong magpakita ang Anghel kay San Jose sa panaginip. Siya’y nanatili at naging ama ni Hesus, ang amang magdurugtong kay Hesus sa angkan ni David.//  Sa dalawang balita: una—na nabuntis na si Maria at hindi alam kung sino ang Ama. Ikalawa, na Diyos ang may-akda ng lahat sa pamamagitan ng Espiritu Santo, eh talaga namang mahirap pumili ng paniniwalaan. Sa kabila ng lahat, sumampalataya si San Jose sa Diyos. Hindi dahil ayaw na niya ng gulo kundi alam niya ang paggalaw ng Diyos sa kanyang buhay! Bagamat tahimik, hindi siya bingi sa mga nais ng Diyos.//  Mga kapatid, ipinagdiriwang din po natin ang kapistahan ng kapanganakan ng Mahal na Birheng Maria. Si Maria at Jose, na kapwa modelo ng pagsunod sa kalooban ng Diyos. Hindi naman sinasabi ng Diyos na kapag sumunod ka sa kanya, eh magiging madali ang lahat. Pero ipinangako niyang siya ang Emmanuel—kasama natin siya palagi. Sundan lamang natin sina Jose at Maria sa kanilang tatlong M: Manahimik, Makinig, Manalig!