BAGONG UMAGA
Purihin ang Diyos sa araw ng ito ng Biyernes, Ika-walo ng Setyembre, Kapistahan ng Pagsilang sa Mahal na Birheng Maria. Happy birthday Mama Mary! Pasalamatan natin ang Diyos sa Mahal na Ina na buong pusong nakiisa sa planong pagliligtas ng Diyos Ama. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata isa, talata isa hanggang labing-anim, talata labinwalo hanggang dalawampu’t tatlo.
EBANGHELYO: Mt 1:1-16, 18-23
Ito ang libro ng pinagmulan ni Jesucristo, anak ni David at anak ni Abraham. Si Abraham ang ama ni Isaac, si Isaac ang Ama ni Jacob, si Jacob ang ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid. …Si Jese ang ama ni David na hari. Si David ang ama ni Solomon, at ang naging maybahay ni Urias ang kanyang ina. … Si Jacob ang ama ni Jose — ang asawa ni Maria na siyang pinagmulan ni Jesus na tinawag na Kristo. Kaya may labing-apat na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David at labing-apat mula kay David hanggang sa pagkatapon sa Babilonia at labing-apat din hanggang sa Kristo. Ito ang pangyayaring napapaloob sa pagsilang ni Jesucristo. Ipinagkasundo kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa nagdadalantao na siya gawa ng Espiritu Santo. Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya. Habang iniisip-isip niya ito, napakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.” Nangyari ang lahat ng ito para matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Maglilihi ang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin nila siyang Emmanuel na ibig sabihi’y ‘Nasa-atin-ang-Diyos.’”
PAGNINILAY
Isinulat ni Cl. Vinz Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. [May nabasa akong isang anecdote. (Minsan daw nag uusap-usap ang mga bulaklak sa isang burol. Mas matingkad ang kulay, bah mas maganda. Mas matayog ang tindig, ah mas maganda. May isang puting bulaklak na bigla na lang tumindig, nagstand-out, puting puti—lily ang pangalan. Lahat ng bulaklak na nagpapagandahan ay lumingon sa lily, sila may nabighani din sa ganda nito. Bigla na lamang may dumaan na isang babae, sobrang ganda din, puting-puti din ang damit. Kaya naman, napayuko ang lily—ito may nabighani din at nagandahan sa babae na ang ngalan daw ay Maria.] Mga kapatid, Kapistahan ngayon ng Kapanganakan ng Mahal na Birheng Maria—Ina ng ating Panginoong Hesus. Mahalagang alalahanin na hindi natin sinasamba si Maria, siya’y binibigyan natin ng mataas na parangal, tanda din ng ating masidhing pasasalamat sa Diyos. Ang paghirang ng Diyos kay Maria, ay isang tanda na sa kabila ng pagkakasala ng tao—pinagkakatiwalaan at mahalaga pa din tayo sa Diyos. Ang pagsang-ayon ni Maria na maging Ina ng Diyos ay isa sa mga plot-twist ng ating buhay pananampalataya. Muling niligawan ng Diyos ang tao, at umOO tayo, sa pamamagitan ni Maria, na makamit ang kaligtasan—makasama ang Diyos habang buhay. Ngayong Araw, habang masaya tayong ipinagdiriwang ang Birthday ni Mama Mary, sana sa bawat pag-OO natin sa Diyos, tulad niya handa din tayong yumuko, tiisin ang mga sakit ng buhay, i-alay sa Diyos, dahil alam nating sa kabila ng lahat, di man natin lubos maintindihan—papunta tayo sa exciting part, ang makasama ang Diyos habang buhay! Happy Birthday Mama Mary, thank you and We love you!