Daughters of Saint Paul

Setyembre 9, 2016 BIYERNES Ika-23 Linggo ng Karaniwang Panahon / San Pedro Claver, pari

Lk 6:39-42

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad ang isang talinhaga: “Pwede nga kayang akayin ng isang bulag ang isa pang bulag? Hindi ba’t kapwa sila mahuhulog sa kanal? Hindi higit sa kanyang guro alagad.  Magiging katulad ng kanyang guro ang ganap na alagad.

           Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid?  At di mo pansin ang troso sa iyong mata.  Paano mo masasabi sa iyong kapatid: ‘Kapatid pahintulutan mong alisin ko ang puwing sa mata mo,’ gayong hindi mo nga makita ang troso sa mata mo? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa mata mo, at saka ka makakakitang mabuti para alisin ang puwing sa mata ng kapatid mo.”

REFLECTION

Mga kapatid, makatotohanan at napapanahon ang panawagan sa atin ng Mabuting Balita ngayon.  Hindi tayo kailanman maaaring maging taga-akay ng iba kung tayo mismo’y bulag din na taga-akay.  Dahil parehas tayong mahuhulog sa putikan.  Suriin natin ang sarili kung mulat ba tayo o bulag na tagaakay ng iba.  Ang isang taong bulag sa sariling pagkukulang at hindi kilala ang sarili –mapanhusga, mapagkunwari, mapagmataas at mapanlait sa kahinaan ng iba. Parati silang nakatuon sa pagkakamali ng iba at kung umasta para silang perfectong nilalang na hindi na nagkakasala. Hindi sila marunong kumilala ng kabutihan ng iba, masyadong kritikal at bilib lamang sa sariling kabutihan.  Samantalang ang isang taong mulat sa kanyang kahinaan at pagkukulang – mahinanon sa paghusga sa kapwa, mababang-loob, at nagsusumikap baguhin ang sarili at punuan ang sariling pagkukulang.  Alin ba tayo sa dalawang ito?  Mga kapatid, ang pagiging mulat sa sariling kahinaan at pagtanggap sa realidad na may kailangan tayong baguhin – ang unang hakbang sa tunay na pagpapanibago ng sarili.  Walang pagbabagong magaganap sa ating buhay kung hindi natin kikilanin na may kailangang baguhin sa ating pag-uugali, sa ating maling pananaw,  sa ating makitid na pag-iisip at maling pakikitungo sa kapwa. Pero, higit sa pagkilala sa ating kahinaan ang pagtanggap din sa katotohanang kailangan natin ang tulong at habag ng Panginoong Diyos upang panibaguhin ang ating pagkatao ayon sa Kanyang plano para sa atin.  Manalangin  tayo.  Panginoon, tulungan Mo po akong maging mulat sa sariling  kahinaan at panibaguhin ang aking pagkatao nang maging karapatdapat akong taga-akay ng mga kapatid na nabubulagan at naliligaw ng landas. Amen.