Daughters of Saint Paul

SETYEMBRE 9, 2021 – HUWEBES SA IKA-23 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Lk 6:27-38

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyong mga nakikinig: mahalin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo, ipagdasal ninyo ang mga tumatrato sa inyo ng masama. Sa sumasampal sa iyo sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Sa umaagaw ng iyong kamiseta, huwag mong itanggi ang iyong sando. Magbigay ka sa sinumang humihingi sa iyo; at kung may kumuha ng iyong ari-arian, huwag mo nang hingin pa uli. Kaya gawin ninyo sa mga tao ang gusto ninyong gawin nila sa inyo. Kung minamahal ninyo ang mga umiibig sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Minamahal din ng mga makasalanan ang mga nagmamahal sa kanila. Kung ginagawa ninyo ang mabuti sa mga gumagawa nito sa inyo, ano ang kahanga-hanga roon? Iyon din ang ginagawa ng mga makasalanan. Kung nagpapautang kayo sa sa mga inaasahan ninyong makapagbabayad, ano ang kahanga-hanga roon? Nagpapautang din ang mga makasalanan sa mga makasalanan para matanggap ang katumbas. Sa halip ay mahalin ninyo ang inyong mga kaaway; gumawa kayo ng mabuti at magpautang na walang inaasahang anuman. Kaya gagantimpalaan kayo ng malaki at magiging anak ng Kataas-taasan dahil butihin siya sa mga walang-utang-na-loob at masasama. Maging maawain kayo gaya ng inyong Amang maawain. Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan; huwag ninyong sumpain ang sinuman, at hindi kayo susumpain; magpatawad kayo, at kayo’y patatawarin. Magbigay kayo, at kayo’y bibigyan—isang saganang takal, siksik, liglig at umaapaw ang ibubuhos nila sa inyong kandungan. Sapagkat susukatin kayo sa sukatang ginagamit ninyo.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Lulu Pechuela ng Association of Pauline Cooperators ang pagninilay sa ebanghelyo.  Ang pag-ibig ng   Diyos ay para sa lahat, mabuti man o masama.  Ito ay “all inclusive”; walang iniiwan. Kaya nga, ang tunay na alagad ni Hesus ay  kinakailangang “mamatay sa sarili” upang makapagmahal, sa paraang  iniuutos ng Panginoon: “mahalin ang iyong kapwa tulad ng pagmamahal sa iyong sarili”. //   Di ba’t   napakahirap, mga kapatid? Sino ba naman ang matutuwa sa taong humalay o pumatay sa mahal niya? O sa nagtaksil sa kanya? O doon sa nagdulot ng kabiguan, pagkalugi o pagkawala ng kanyang hanapbuhay? Sino ang magmamahal sa  nandaya, o sumira ng pangalan niya?   Kung tayo lang, napakahirap kung di man imposibleng gawin iyan.  Pero kung kasama natin ang Panginoon, at nasa lilim tayo ng liwanag ng Banal na Espiritu, kakayanin natin ito. Mahirap, oo! Imposible, hindi!  

PANALANGIN

Diyos ng pag-ibig, lukuban po ninyo kami ng inyong pang-unawa upang magawa naming mahalin ang aming kapwa, tulad nang nais mo. Mahirap Panginoon, pero kung sasamahan mo kami, ay kakayanin namin ito. Dahan-dahan, unti-unti, ang mangingibabaw ay ang pagmamahal na turo mo at hindi ang makataong emosyon na nakamulatan namin. AMEN