BAGONG UMAGA
Maligayang araw ng Sabado kapatid kay Kristo. Kumusta po kayo? Kumusta ang isang linggong nagdaan sa’yong buhay? Nawa’y naging maayos ang lahat at naitawid ninyo ang bawat araw, kasama ang Panginoon. Kapag mulat tayo sa katotohanan na kasa-kasama natin ang Diyos sa araw-araw nating paglalakbay sa buhay, hindi tayo nawawalan ng pag-asa sa gitna ng mga pagsubok, dahil buo ang ating pananampalataya na hindi tayo pababayaan ng Diyos. Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. May aral tungkol sa Araw ng Pahinga ang Mabuting Balitang maririnig natin ayon kay San Lukas kabanata anim, talata isa hanggang lima.
EBANGHELYO: Lk 6:1-5
Isang Araw ng Pahinga, naglalakad si Jesus sa taniman ng trigo. Nangyari na hinimay ng kanyang mga alagad ang mga butil sa pagkiskis sa kanilang mga kamay, at kinain ang mga ito. Sinabi ng ilang Pariseo: “Bakit n’yo ginagawa ang ipinagbabawal sa Araw ng Pahinga?” Ngunit nagsalita si Jesus at sinabi niya sa kanila: “Hindi n’yo ba nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa Bahay ng Diyos, kinuha ang tinapay na inihain para sa Diyos, kinain ito at binigyan pa ang kanyang mga kasamahan, gayong bawal itong kainin ninuman liban sa mga pari.” At sinabi pa niya sa kanila: “Panginoon ng Araw ng Pahinga ang Anak ng Tao.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Mga kapatid, pamilyar marahil kayo sa mga salitang: wala naman sa konteksto yung sinabi niya o ginawa. ‘Di ba malimit nating marinig iyan o mabasa sa social media? Mahalaga ang konteksto para maintindihan natin ang “bakit” sa likod ng isang aksyon o salita. “Bakit niya ginawa iyon?” “Bakit niya sinabi iyon?” Kung uunawain natin ang konteksto, maiiwasan nating maging mapanghusga sa kapwa. // Sa Mabuting balitang ating narinig, mabilis na pinaratangan ng mga Pariseo ang mga disipulo. Dahil sa diumano’y hindi nila pag obserba sa batas ng Sabat, nang pumitas sila ng mga butil ng trigo upang kainin. Ang konteksto, bakit pumitas? Dahil nagugutom sila. “Di ba basic human need ‘yon? Pero, para sa mga Pariseo ang pagpitas ng mga butil ng trigo sa araw ng Sabat ay isang paglabag sa araw ng pamamahinga. // ‘Di ba mayroon kasabihan sa ingles na ganito: “Observe the spirit and not the letter of the law?” Ano ang ibig sabihin nito? Ang batas ay dapat nakabatay sa pagkakawanggawa at bukas sa pagtulong sa nangangailangan, at hindi hinahamak ang dignidad ng tao. Hindi tama na maging instrumento ang batas para pahirapan ang tao. // Mga kapatid, inaanyayahan tayo ng mabuting balita na tingnan ang ating mga puso at suriin ang ating mga sarili. Meron ba tayong ugali na tulad sa mga Pariseo? Mabilis ba tayong manghusga at magparatang sa ating kapwa nang walang basehan o konkretong ebidensiya? Isipin natin na kapag itinuro natin ang ating hintuturo upang husgahan ang ating kapwa, tatlo sa ating mga daliri ang nakaturo sa atin.