Ebanghelyo: Lucas 6,6-11
Sa iba namang Araw ng Pahinga, pumasok si Hesus sa sinagoga at nagturo. May isang lalaki na hindi maigalaw ang kanang kamay. Pinagmamasdan siya ng mga guro ng Batas at mga Pariseo, at baka pagalingin ito ni Hesus sa Araw ng Pahinga at nang maisakdal nila siya. Ngunit alam ni Hesus ang kanilang iniisip kaya sinabi niya sa lalaking hindi maigalaw ang kamay: “Tumindig ka’t tumayo sa gitna.” Tumindig nga ito at tumayo roon. Sinabi ni Hesus sa kanila: “Matanong ko nga kayo: ano ang ipinahihintulot sa Araw ng Pahinga, gumawa ng mabuti o gumawa ng masama, magligtas ng buhay o pumatay?” Tiningnan niya silang lahat sa paligid at sinabi sa tao: “Iunat mo ang iyong kamay.” Ginawa niya ito at gumaling ang kanyang kamay. Galit na galit naman sila at magkakasamang nag-usap-usap kung ano ang magagawa nila kay Hesus.
Pagninilay:
Alin ba ang naaayon sa Kautusan, ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Ang magligtas ng buhay o ang pumatay? Tiyak na ang nakararami sa atin ay sasagutin ang Panginoong Jesus ng: Ang gumawa po ng Mabuti at magligtas ng buhay. Na siya namang tama. Pero napag-isipan na rin ba natin na kung minsan ang kautusan ng isang Samahan ang ating sinusunod, hindi dahil upang makagawa ng Mabuti kundi para sa pansariling kapakanan o selfishness, paghihiganti o para mapahiya ang isang tao na di natin gusto. Halimbawa, sasabihin natin na sang-ayon sa ating by-laws ay matatanggal na ang isang kasapi kapag tatlong beses nang nag-absent sa meeting o pagtitipon. Hindi dahil gusto nating mapaayos ang ating organization kundi upang matanggal na ang isang kasapi na inaayawan o kinaiinggitan natin.
Gumagawa ang ating Panginoon ng Mabuti dahil sa pagmamahal at habag, lalo na sa mahihirap at inaapi. Para sa kanya ang batas ay para sa kabutihan ng tao at hindi para magpahirap at manggipit. Kung ginagamit natin ang batas para pahirapan ang iba at maisagawa natin ang makasarili nating plano, nalalayo tayo sa paghahari ng Diyos. Balikan nating muli ang tunay na batas ng Diyos: ang gumawa ng Mabuti at magligtas ng kapwa. Kahit pa puno ng pagsubok, problema o kahirapan ang buhay, kung mahabagin tayo at matulungin, nagagalak ang Diyos sa atin; ang habag at tulong ay babalik din sa atin.