Daughters of Saint Paul

ABRIL 26, 2019 BIYERNES SA OKTABA NG PASKO NG PAGKABUHAY

 

EBANGHELYO: Juan 21:1-14

Muling ibinunyag ni Jesus ang kanyang sarili sa mga alagad sa may Lawa ng Tiberias. Ibinunyag niya nang paganito. Magkakasamang naroon sina Simon Pedro, Tomas…at dalawa pa sa mga alagad niya. Sinabi sa kanila ni Simon Pedro: “Aalis ako para mangisda.” Nang madaling-araw na, nakatayo si Jesus sa dalampasigan pero hindi nakilala ng mga alagad na si Jesus iyon. Tinatawag sila ni Jesus: “Mga bata, wala ba kayong isda?” Sumagot sila sa kanya: “Wala!” Sinabi naman niya sa kanila: “Ihulog n’yo sa bandang kanan ng bangka ang lambat at makakatagpo kayo.” Kaya inihulog nga nila at hindi na nila makayanang hilahin iyon dahil sa dami ng isda. Kaya nang makalunsad sa lupa, nakita nilang may nagbabagang uling doon, na kinaihawan ng isda at may tinapay. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Magdala kayo mula sa mga isda na nahuli n’yo ngayon.” Kaya lumulan si Simon Pedro at hinila ang lambat tungo sa pampang, gayong puno iyon ng sandaa’t limampu’t tatlong malalaking isda. Bagamat napakarami noon, hindi napunit ang lambat. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Halikayo’t mag-almusal!” Wala namang makapangahas sa mga alagad na mag-usisa sa kanya: “Kayo ba’y sino?” dahil alam nilang ang Panginoon iyon. Lumapit si Jesus at kumuha ng tinapay at ipinamahagi sa kanila. Gayundin ang ginawa niya sa isda. Ito na ang ikatlong pagpapahayag ni Jesus sa mga alagad matapos siyang ibangon mula sa mga patay.

PAGNINILAY:

May nabasa akong limang mahalagang batas para sa mabuting buhay: “Kaunting karne, maraming gulay. Kaunting asukal, maraming prutas. Kaunting sakay, maraming lakad. Kaunting ligalig, maraming idlip. Kaunting galit, maraming hagikhik.” Sa ebanghelyo, niyaya ni Jesus ang mga alagad para mag-almusal. Isang simpleng at ordinaryong gawa, pero, tanda  nang matamis na  pag-aaruga.

 

PANALANGIN:

O Ama, ipinagkaloob mo sa amin ang tinapay mula sa langit bilang pang-araw-araw na pagkain ng aming kaluluwa. Nawa, patuloy naming madama ang iyong presensya sa mga tao, bagay at pangyayaring bahagi ng aming buhay, Amen. -Dr.Lilia Antonio, Ph.D.