Daughters of Saint Paul

HULYO 16, 2019 MARTES SA IKA-15 NA LINGGO NG TAON Mahal na Birhen ng Carmel

 

EBANGHELYO: MATEO 11:20-24

Sinimulang tuligsain ni Jesus ang mga bayang ginawan niya ng karamihan sa kanyang mga himala, sapagkat hindi sila nagpanibagong-buhay: “Sawimpalad kayong mga bayan ng Corozain at Betsaida! Kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga himalang naganap sa piling ninyo, nagsisi sana silang may abo at sako. Kaya sinasabi ko sa inyo: Mas magiging magaan pa ang sasapitin ng Tiro at Sidon sa araw ng paghuhukom kaysa inyo. At ikaw naman, Capernaum, itataas ka ba sa langit? Hindi, itatapon ka sa kaharian ng mga patay! Sapagkat kung sa Sodom nangyari ang mga himalang naganap sa iyo, narito pa sana ngayon ang Sodom. Kaya sinasabi ko sa inyo: mas magiging magaan pa ang sasapitin ng lupain ng Sodom sa araw ng paghuhukom kaysa inyo.”

 

PAGNINILAY:

Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ni Cleric Ramon Rivera ng Society of St. Paul.  Nakakalungkot isipin na minsan, ang mga taong nakatanggap ng ating kabutihan, ang unang tumutuligsa sa atin sa unang pagkakataon na mayroon sila. Ganito rin ang nangyari kay Hesus sa mabuting balita ngayon.  Ang mga taong ginawan Niya ng karamihan sa Kanyang himala at kabutihan, nanatiling matitigas ang ulo at salahilo. Sa ganitong pangyayari, lumalabas, na minsan, mas maunawain pa ang mga taong mas kilala sa pagiging matitigas ang ulo. Sa kanila pa mas naghahari ang pagkakaroon ng mabuting buhay at paggawa ng kabutihan. Ganunpaman, hindi hindi sila sinukuan ng Panginoong Jesus. Batid niyang darating ang araw na magbabago din sila./  Ipinagdiriwang din natin ngayon ang kapistahan ng Mahal na Birhen ng Carmel, isa sa mga titulo ng ating Mahal na Inang, si Maria. Narito si Maria upang paalalahanan tayo sa mga turo at bilin ni Kristo.  Katulad ng madalas na gawin sa atin ng ating mga ina. Nariyan ang ating ina upang gabayan tayo, at ituro sa atin kung ano ang dapat gawin. At kung sakaling may hindi magandang pangyayari ang maganap, naririyan pa rin ang ina upang akbayan ang kanyang anak. Si Maria ay nagsisilbing Ina, na siyang nagtuturo at nag-aalaga sa ating espirituwal na buhay. Sa kapistahan ng Mahal na Birhen ng Carmel, inaanyayahan tayo ng Simbahan, na tularan si Maria sa kanyang pagiging tapat sa kanyang anak na si Kristo, at sa kanyang kababaang loob na tumugon sa pagtawag ng Diyos, na “Maganap sa akin ayon sa wika mo”. Nawa’y biyayaan tayo ng Espiritu Santo na matularan si Maria sa kanyang kababaang loob at matimyas na pagmamahal sa Diyos, nang makamtan natin ang buhay na walang hanggan kapiling Niya, pagkatapos ng buhay natin sa mundo. Amen.