Daughters of Saint Paul

Oktubre 20, 2017 Biyernes sa Ika-28 Linggo ng Taon

LUCAS 12:1-7

Nang magkatipon ang libu-libong tao hanggang magkatapakan na sila, sinimulang sabihin ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Pariseo, na walang iba kundi ang pagkukunwari. Walang tinatakpan na hindi mabubunyag, walang natatago na hindi malalaman. Kaya naman ang sinabi n’yo sa dilim, sa liwanag maririnig; at ang ibinulong n’yo sa mga kuwarto, sa bubungan ipahahayag. Sinasabi ko naman ito sa inyo na mga kaibigan ko: huwag n’yong katakutan ang mga nakapapatay sa katawan at wala nang magagawang anuman. Ituturo ko sa inyo kung sino ang dapat n’yong katakutan: matakot kayo sa may kapangyarihang pumatay at may kapangyarihan pang magbulid sa impiyerno. Oo, sinasabi ko sa inyo ito ang katakutan n’yo. Hindi ba’t ipinagbibili nang dalawang pera ang limang maya? Ngunit isa man sa kanila’y di nalilimutan sa paningin ng Diyos. Bilang na pati ang lahat ng buhok sa inyong ulo. Huwag kayong matakot; mas mahalaga kayo kaysa maraming maya.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, sa gitna ng karahasan at kawalan ng pagpapahalaga sa buhay ng tao na ating nararanasan sa lipunan ngayon, may konsolasyon at pag-asang hatid ang narinig nating Ebanghelyo. “Huwag ninyong katakutan ang mga nakapapatay sa katawan at wala nang magagawa pa… Sa Halip, matakot kayo sa may kapangyarihang pumatay at may kapangyarihan pang magbulid sa impiyerno.”  Ipinahihiwatig ng mga salitang ito ng Panginoon, na may paghuhukom, may Judgement Day, pagkatapos ng maikling buhay natin sa mundo.  At sasagutin natin sa Diyos ang mga kasalanang nagawa natin habang tayo’y nabubuhay pa.  Kaya sa kalakaran ng di makatarungang pagpaslang na nararanasan sa ating bansa ngayon, at ang mga salarin di-mapanagot o pinawalang- sala, at hinayaang magpatuloy sa masamang gawain… nais aliwin ng Panginoon ang mga pamilyang naulila at nagdadalamhati, na nababatid ng Diyos ang kanilang iyak at hinagpis.  Sumisigaw sa Diyos ang dugo ng lahat ng mga taong pinaslang sa war on drugs ng pamahalaan. Hindi man nabigyan ng hustisya ang kanilang pagpanaw sa mundo, nababatid ng Diyos kung sino ang mga salarin, kung sino ang tunay na pumaslang sa kanila.  Natakasan man nila ang batas ng tao, pero hinding-hindi nila matatakasan ang batas ng Diyos na sisingil sa kanila sa buhay na inutang! Pagbabayaran nila ang bawat buhay na kinitil sa oras ng paghuhukom, sa oras na makikipagharap sila sa Diyos pagkatapos na maikling buhay nila sa mundo.  Mga kapatid, ang bawat tao nilikha ng Diyos na mabuti.  Kaya kahit gaano pa man kasama ang tao, siguradong may konsensiyang bumabagabag sa kanya. Dahil ang ating konsensiya ang tinig ng Diyos na nangungusap sa kaibuturan ng ating puso sa tuwing gumagawa tayo ng masama. Idalangin natin sa Panginoon, na sana paliwanagan Niya ang puso’t isip ng mga taong pumapatay ng kapwa tao.  Na pananagutan nila sa Diyos ang bawat buhay na kinitil, sa araw ng paghuhukom.