Daughters of Saint Paul

HUNYO 25, 2021 – BIYERNES SA IKA-12 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 8:1-4

Pagkababa ni Jesus mula sa bundok, maraming tao ang sumusunod sa kanya. Lumapit sa kanya ang isang may ketong, at paluhod na nagsabi: “Ginoo, kung gusto mo, mapalilinis mo ako.” At sinabi ni Jesus: “Gusto ko, luminis ka!”  Nang oras ding iyo’y gumaling ang lalaki sa kanyang ketong. At sinabi ni Jesus sa kanya: “Mag-ingat ka, huwag mong sasabihin ito kaninuman kundi pumunta ka sa pari para suriin ka niya at ialay ang handog na iniutos ni Moises upang magkaroon sila ng patunay.

PAGNINILAY

Mga kapatid, ang isang ketongin ay itinuturing nang patay kahit na siya’y nabubuhay pa.  Dahil siya’y may ketong, itinuturing siyang marumi dahil sa kanyang kasalanan kaya nararapat lamang na ihiwalay siya sa pamayanan.  Ang ketong noon ay pinaniniwalaang parusa ng Diyos.  May Batas na nagsasaad na kung gumaling ang taong may ketong sa tulong ng Diyos, dapat siya’y magpakita sa saserdote na susuri at magpapatunay na magaling na siya.  Magsasagawa rin ng ritwal sa paglilinis sa kanya upang muli siyang makabalik sa pamayanang dati niyang kinabibilangan.  Nang pagalingin ni Hesus ang ketongin, nangangahulugan lamang na ibinabalik sa kanya ang karangalang nawala, dulot ng sumpa ng ketong.  Gayundin, inutusan ni Hesus ang ketongin na magpasuri ayon sa Batas ng mga Judio.   Malinaw lamang na si Hesus, ay hindi sumisira sa Batas, sa halip, iginagalang pa Niya ang Batas.  Hindi lamang nagpagaling si Hesus, ipinakita rin Niya ang habag at pag-aaruga ng Diyos.  Mga kapatid, anumang karamdaman ang nagpapahirap sa atin ngayon lalo na ang covid-19, lumapit tayo sa Panginoong Hesus.  Tularan natin ang disposisyon ng ketongin.  Nagpakumbaba at nagpatirapa sa Kanyang harapan, at buong-pusong nagsumamo na siya’y pagalingin.  At tinanggap nga niya ang kagalingang inaasam.  Lagi namang iniuunat ng Diyos ang Kanyang kamay upang hipuin tayo at pagalingin.  Anumang kagalingang tinatanggap natin sa Diyos, nagkakaroon ito ng kaganapan sa pamamagitan ng pasasalamat, na tanda naman ng pagtanggap natin sa katotohanan, na bilang mga nilikha ng Diyos, Siya lamang ang ating inaasahan.  Manalig tayo sa Kanyang kagandahang-loob na hinding-hindi Niya tayo bibiguin.  

PANALANGIN

Panginoon, nalalaman Mo po ang mga paghihirap na aming pinagdaraanan, dulot ng pandemya.  Sa’yo lamang po kami umaasa, na hihilumin mo ang buong mundo sa nakamamatay na sakit na ito, Amen.