Daughters of Saint Paul

HUNYO 26, 2021 – SABADO SA IKA-12 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 8:5-17

Pagdating ni Jesus sa Capernaum lumapit sa kanya ang isang kapitan at nakiusap sa kanya: “Ginoo, nakahiga sa bahay ang aking katulong. Lumpo siya at sobra na ang paghihirap.” “Paroroon ako at pagagalingin ko siya.” “Panginoon, hindi ako karapat-dapat para tumuloy ka sa bahay ko. Mag-utos ka lang at gagaling na ang aking katulong. Mababa nga lang ang ranggo ko, pero kapag sinabi ko sa isa sa mga kawal na nasa ilalim ko: ‘Pumaroon ka,’ pumaparoon siya. At sinasabi ko naman sa isa pa: ‘Pumarito ka,’ at pumaparito siya; at sa aking katulong: ‘Gawin mo ito,’ at ginagawa niya ito.” Nang marinig ito ni Jesus, humanga siya at sinabi sa mga sumusunod sa kanya: “Sinasabi ko sa inyo, wala pa akong natagpuang ganitong paniniwala sa Israel. Sinasabi ko sa inyo: marami ang darating mula sa silangan at sa kanluran para makisalo kina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng Langit.”  Pagkaalis n’ya sa sinagoga tumuloy si Jesus sa bahay nina Pedro at Andres kasama sina Jaime at Juan. Doo’y nakahiga ang biyanan ni Pedro at may lagnat at agad nila itong sinabi kay Jesus. Kaya lumapit s’ya, hinawakan ito sa kamay at ibinangon. Iniwan ng lagnat ang babae at ito mismo ang naglingkod sa kanila. Pagkalubog ng araw, ng dumidilim na, dinala nila kay Jesus ang lahat ng may sakit o inaalihan ng masamang espiritu. Nasa may pintuan nga ang buong bayan, maraming may iba’t-ibang sakit ang pinagaling ni Jesus at maraming demonyo ang kanyang pinalayas. Ngunit hindi n’ya sila pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila kung sino s’ya. 

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Emma Lusterio ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa ebanghelyo.  Kamusta ang pananalig mo sa Diyos?  Katulad   ka ba ng kapitang Romano sa Mabuting Balita, na may kababaang loob na dumulog, at lubos ang pagtitiwala sa Dakilang awa ng Diyos na pagagalingin ang kanyang alipin?  Imaginin po natin, na dadalaw si Pope Francis sa ating tahanan.  Ano kaya ang ating mararamdaman at masasabi?  Excited ba tayo at looking forward sa kanyang pagdalaw?  O sasabihin natin: “Next time na lang – nakakahiya, hindi ako handa!”  Mga kapatid, sikapin nating lumalim pa ang ating pakikipag-ugnayan sa Diyos, at maging laging handang tanggapin Siya sa araw-araw niyang pagdalaw sa ating buhay… upang katulad ng kapitang Romano, masambit din natin nang buong kababaang-loob, “Panginoon, hindi ako karapat-dapat magpatuloy sa’yo, ngunit sa isang salita mo lamang ay gagaling na ako.” Sa ebanghelyo, gumaling ang alipin ng kapitang Romano, dahil sa kanyang kababaang loob at lubos na pagtitiwala sa Diyos.  Matularan nawa natin ang kanyang pananalig at kababaang loob upang tayo din ay kahabagan ng Diyos, at dinggin ang ating taimtim na pagsamo. Amen.