EBANGHELYO: Mk 5:21-43
Pagkatawid ni Jesus sa lawa na sakay sa bangka, pinagkulumpunan siya ng maraming tao sa tabing-dagat. At may dumating na isang pinuno ng sinagoga na nagngangalang Jairo. Nagpatirapa ito sa kanyang paanan at pilit na ipinakiusap sa kanya: “Naghihingalo ang aking dalagita kaya halika para maligtas siya at mabuhay sa pagpapatong ng iyong mga kamay.” Kaya umalis si Jesus kasama n’ya at sumunod din sa kanya ang mga tao na gumigitgit sa kanya. Nagsasalita pa si Jesus nang may dumating galing sa bahay ng pinuno ng sinagoga, at sinabi nila: “Patay na ang iyong anak na babae. Bakit mo pa iniisturbo ngayon ang Guro?” “Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang.” At wala s’yang pinayagang sumama sa kanya liban kina Pedro, Jaime at Juang kapatid ni Jaime. Pagdating nila sa bahay nakita n’ya ang kaguluhan, may mga nag-iiyakan at labis na nagtataghuyan. Pumasok si Jesus at sinabi: “Bakit nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata kundi natutulog lang.” At pinagtawanan nila siya. Ngunit pinalabas ni Jesus ang lahat, at ang ama at ang ina lamang nito ang isinama at ang kanyang mga kasamahan. Pagpasok niya sa kinaroonan ng bata, hinawakan niya ito sa kamay at sinabi: “Talita kum,” na ang ibig sabihi’y ‘Nene, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka.’ At noon di’y bumangon ang bata at nagsimulang maglakad. At nagkaroon ng pagkamangha, malaking pagkamangha. Mahigpit na iniutos ni Jesus sa kanila na huwag itong sabihin kaninuman, at sinabi sa kanila na bigyan ng makakain ang bata.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Fr. Albert Garong ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Move on na, kapatid! Yan ang payo na minsan kong narinig. Sabi din ng isa: happiness is a choice! Kaya wag kang lulungkot lungkot! Batid ko na may katotohanan at mabuting hangarin sa mga payong ito. Pero sa ating Mabuting Balita, narinig natin ang dalawang kwento ng pagpapagaling ni Hesus. Dalawang kaso, dalawang magkaibang paraan at panahon ng pagpapagaling. Ganun din, iba iba ang pagkilos at plano ng Diyos sa bawat isa sa atin. Wag natin basta basta ikumpara ang ating sitwasyon sa iba, ang ating mga reaksyon o pagtugon sa mga problema, dahil iba iba tayo ng karanasan at pinanggagalingan. Kung meron mang mabuting payo, ito ay ang dumulog sa Diyos na syang lubos na nakakakilala sa atin. Dahil sa Kanya tiyak na may lunas at kaliwanagan sa tamang panahon. Amen.
