Daughters of Saint Paul

HUNYO 28, 2021 – LUNES SA IKA-13 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 8:18-22

Nang makita ni Jesus ang maraming taong nakapaligid sa kanya, iniutos niyang tumawid sa kabilang ibayo. May lumapit sa kanya na isang guro ng Batas na nagsabi: “Panginoon, susunod ako sa iyo saan ka man pumunta.” Sinabi ni Jesus sa kanya: “May lungga ang asong-gubat, may pugad ang mga ibon, ngunit wala man lang mahigan ng kanyang ulo ang Anak ng Tao.” Isa pa sa mga alagad ang nagsabi sa kanya: “Panginoon, pauwiin mo muna ako para mailibing ko ang aking ama.” Ngunit sinagot siya ni Jesus: “Sumunod ka sa akin, at bayaan mong ilibing ng patay ang kanilang patay.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Arlene Banta ng Institute of the Holy Family ang pagninilay sa ebanghelyo.  Paano ka ba tumutugon sa panawagan ng Diyos na sumunod sa Kanya?  Minsan, sa tindi ng pinagdadaanan nating pagsubok, natutukso tayong sabihing, “Panginoon, sagutin lang po ninyo ang kahilingan ko, susunod po ako sa inyo kahit ano ang mangyari.” Tapos, sinagot naman ng Panginoon ang panalangin natin! Kaya sinikap nating tupdin ang ating pangako, naging masipag at taos-puso ang ating paglilingkod sa Diyos.  Pero sa paglipas ng panahon, naging katulad na tayo ng isa pang alagad sa ebanghelyo, na nagpaalam na umuwi muna, upang ipalibing ang kanyang ama.  Hindi na ang paglilingkod sa Diyos ang ating first priority.  May ibang priorities na tayo na kumukuha ng ating atensyon, at nagiging bukambibig natin: anyway, mabait ang Diyos, mauunawaan Nya ako. Pero ano ang sabi ni Hesus, “Sumunod ka sa akin, at ipaubaya mo na sa mga patay ang paglilibing ng kanilang nga patay”. Mga kapatid, ang buhay-Kristiyano ay isang “buhay” at hindi “patay” na pamumuhay.  Puno dapat ito ng sigla at pag-asa, dahil nananalig tayo na kasama natin lagi ang Diyos at hindi Niya tayo pababayaan.  Taglayin nawa natin ang pag-ibig at espiritu ng pagpapakumbaba sa anumang gawain nating paglilingkod sa Diyos at sa ating kapwa. Tularan natin si San Pablo, apostol, na nagsabing:  hindi na siya nabubuhay sa kanyang sarili, kundi si Hesus, na ang nabubuhay sa kanya.  Tama, di po ba?  Walang namang higit na pinakamahalaga sa buhay natin na magtuturo sa tamang daan, katotohanan, at buhay kundi si Hesus. Kaya hilingin natin sa Panginoong Hesus, na palakasin at patatagin ang ating relasyon sa Kanya, dahil ang ating kinabukasan ay “tiyak” kung Siya ang ating susundan at paglilingkuran, Amen.