Daughters of Saint Paul

HUNYO 29, 2021 – MARTES SA IKA-13 LINGGO NG TAON | Dakilang Kapistahan nina San Pedro at San Pablo, mga apostol

EBANGHELYO: Mt 16:13-19

Pumunta noon si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?” “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.”  “Ngunit sino ako para sa inyo?” “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit. At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng Langit: ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Tina Madrigallos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Dakilang Kapistahan ngayon ng dalawang haligi at magigiting na martir ng Simbahan – sina San Pedro at San Pablo, mga apostol. Hindi sila nag-atubiling ialay ang sarili para sa kanilang pananampalataya at pagsunod kay Kristo, kahit na ang kapalit nito ay ang sarili nilang buhay. Narinig natin sa ebanghelyo ngayon na nagtanong si Hesus, “Ngunit kayo, ano ang sabi nyo kung sino ako?” Tugon ni Simon Pedro:  “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na buhay.” Paano ito nalaman ni Pedro, hindi naman ito sinabi ng Diyos Ama sa kanya? Marahil, dahil matagal na silang nagkasama ni Hesus. Nakilala ni Pedro si Hesus sa kanyang mga turo at gawa – sa kanyang pagpapagaling at mga himala. Ganito gumalaw ang Diyos sa atin. Binubuksan nya ang ating puso at isipan para mas makilala natin si Hesus—maaaring sa mga Sakramento at turo ng Simbahan o di kaya’y sa mga taong nakakasalamuha natin. Oo, marami tayong kahinaan, pero tulad ni San Pablo, maaaring gamitin iyon ng Diyos upang maging lakas natin. Sa ikalawang pagbasa, sinabi ni San Pablo, “Ngunit tinulungan ako ng Panginoon at pinalakas upang maisagawa ang pangangaral ng lubusan…”  Mga kapatid, nag-aanyaya sa atin ang Kapistahan ngayon, na huwag tayong mawawalan ng pag-asa. Marami man tayong nagawang pagkakamali o may panahong tayo’y nanghina at tinalikuran ang Diyos, pero kung tayo’y taos pusong magsisisi at sisikaping bumalik at paglingkuran Syang muli, tatanggapin at tatanggapin Niya tayo. 

PANALANGIN

O mahal naming Hesus, basbasan mo po kami nang kami’y maging tapat mong tagasunod na handang ibahagi sa iba ang iyong pagmamahal at awa. Amen.