Daughters of Saint Paul

HUNYO 30, 2021 – MIYERKULES SA IKA-13 LINGGO NG TAON | Mga Unang Martir sa Iglesya ng Roma

EBANGHELYO: Mt 8:28-34

Pagdating ni Jesus sa lupain ng Gadara sa kabilang ibayo, sinalubong siya ng dalawang lalaking inaalihan ng demonyo, na galing sa libingan. Napakabangis nila kayat walang makadaan doon. Bigla silang sumigaw: “Ano ang kailangan mo sa amin, ikaw na Anak ng Diyos! Pumarito ka ba para pahirapan kami bago sumapit ang panahon?” Sa may di kalayua’y maraming baboy na nanginginain. Kaya hiniling sa kanya ng mga demonyo: “Kung palalayasin mo kami, ipadala mo kami sa mga baboy.” Sinabi ni Jesus sa kanila: “Umalis kayo.” Kaya pagkalayas ng mga demonyo’y pumasok ang mga ito sa mga baboy—at hayun! nahulog sa bangin ang lahat ng baboy papuntang dagat, at nalunod na lahat. Tumakas naman ang mga nagbabantay sa mga baboy. Pagdating nila sa bayan, ipinamalita nila ang lahat at kung ano ang nangyari sa mga inaalihan ng mga demonyo. Kaya lumabas ang buong bayan para salubungin si Jesus; at pagkakita nila sa kanya, hiniling nilang umalis siya sa kanilang lugar.

PAGNINILAY

Isinulat ni Bro. Samy Torrefranca ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Alam natin na walang laban ang demonyo kay Hesus. Nakilala nila si Hesus at nakiusap pa talaga sila na ilipat sa kawan ng mga baboy dahil alam nilang wala silang panama kay Hesus. Pero, nakakabahala din talaga ang realidad na binanggit sa Ebanghelyo, walang sinuman ang dumadaan sa kung saan namamalagi ang dalawang lalaking sinasapian ng demonyo. Si Hesus lang ang nangahas na dumaan doon, ang tanging walang takot! Mga kapatid, sa mga pagsubok na ating dinaranas ngayon, maraming “demonyo” ang humaharang sa atin para maglakbay sa araw-araw nating buhay. Minsan pinangungunahan tayo ng takot na tumulong, may pag-aalinlangan na baka pagdudahan ang ating mabuting hangarin. Ang demonyo talaga, parating naghahasik ng kaguluhan; gusto niya lagi ang pagkawatak-watak at pigilin ang kabutihan. Nakakabahala ang mga Fake News at “trolling” na nagaganap sa social media, lalo na sa usaping Community Pantry and Kindness Station. Ayaw talaga ng demonyo na kumalat ang kabutihan, parating gusto niya ang hindi pagkakaintindihan. Tulad ng huling bahagi ng Ebanghelyo, sa halip na ipamalita ng mga tagapangalaga ng mga baboy ang ginawang pagpapalayas ni Hesus sa demonyo sa mga sinapian, eh ano kaya ang ibinalita nila? Bakit ninais ng buong bayan na lisanin ni Hesus ang kanilang lupain? Fake News! Hindi nila pinili na ibalita ang “essentials” at ang himala na ginawa ni Kristo.