Daughters of Saint Paul

HULYO 1, 2021 – HUWEBES SA IKA -13 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 9:1-8

Sumakay sa bangka si Hesus, tumawid sa lawa at bumalik sa sariling bayan. Dinala sa kanya roon ang isang paralitikong nakahiga sa papag. Nang makita ni Hesus ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko: “Lakasan mo ang iyong loob, anak! Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.”  Noo’y inisip ng ilang guro ng Batas: “Iniinsulto ng taong ito ang Diyos.” Alam ni Hesus ang kanilang mga niloloob, at sinabi niya: “Bakit kayo nag-iisip ng masama? Ano ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan’ o ‘Tumayo ka at lumakad’? Dapat ninyong malaman na may kapangyarihan sa lupa ang Anak ng Tao na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko: “Bumangon ka, dalhin mo ang iyong higaan at umuwi.” At bumangon ang tao at umuwi. Nang makita naman ito ng mga tao, napuno sila ng pagkamangha at nagpuri sa Diyos sa pagbibigay ng gayong kapangyarihan sa mga tao.

PAGNINILAY

Pinagaling ka ng iyong pananampalataya!  Ito ang madalas sabihin ng Panginoon sa mga taong Kanyang pinagaling. Ang pananampalataya nga ang pinakamahalagang sangkap o pamantayan, upang matamo natin ang ganap na kagalingan. Kapatid, kamusta ba ang iyong pananampalataya sa Diyos ngayong panahon ng pandemya? Matatag pa ba? O napupuspos ka na rin ng pagdududa kung may Diyos ba na nakikinig sayong panalangin? Naiinip ka na sa matagal na pagtugon ng Diyos sa isinusumamo nating kagalingan ng buong mundo sa sakit na covid. Mahigit isang taon na ring naparalisa ang ating normal na pamumuhay, mahigit isang taon na tayong nakakulong at limitado ang paggalaw dahil sa banta ng nakamamatay na sakit, mahigit isang taon na nating hindi nabibisita ang ating mga mahal sa buhay. Marami na ang namatay; marami ang nawalan ng trabaho, marami ang naghihikahos at namumroblema kung paano maitatawid ang pang-araw-araw na buhay. Pero kung dito natin itutuon ang ating buong atensyon, (sa mga negatibong pangyayari na nagdudulot sa atin ng sobrang takot, pagkabalisa at kawalan ng pag-asa) – buhay pa man tayo, ay parang patay na rin – dahil nawalan na tayo ng ganang mabuhay, (tumigil na sa pag-ikot ang ating mundo at puro kadiliman na ang nakikita natin sa paligid at ang bumabalot sa’ting buong pagkatao.)  Kung nasa ganito tayong sitwasyon ngayon, panghawakan natin ang sinabi ng Panginoon sa paralitiko, “Anak, lakasan mo ang iyong loob.” Mga kapatid, kumapit tayo sa habag at awa ng Panginoon. Manalig tayo, na pagagalingin Niya tayo at ang buong mundo sa sakit na covid sa panahong Kanyang itinakda. Patuloy tayong magsumamo para sa ating kagalingang pisikal at espiritwal nang manumbalik ang buhay na pinaralisa ng pandemya.