Daughters of Saint Paul

ENERO 22, 2022 – SABADO SA IKALAWANG LINGGO NG TAON | San Vicente, diyakono at martir

Maligayang araw ng Sabado kapatid kay Kristo!  Dakilain natin ang Diyos ng Pag-ibig na Siyang bukal ng lahat ng pag-ibig na ating nararanasan.  Bagamat hindi ganap o perpekto ang pagpapahayag natin ng pag-ibig bilang mga tao, pero sa tuwing nag-aalay tayo ng buhay, panahon at paglilingkod sa kapwa; sa tuwing nagsasakripisyo tayo nang hindi naghihintay ng kapalit, sa tuwing itinataya natin ang buhay para magbigay buhay – sinasalamin natin ang dakilang pag-ibig ng Diyos, na nag-alay ng buhay hanggang sa huli para sa ating kaligtasan.  Sa tuwing namamatay tayo sa ating pansariling kagustuhan at lumalabas sa ating comfort zones para sa higit na ikabubuti ng nakararami, sinasalamin natin ang pag-ibig ng Panginoong Hesus na hindi inuuna ang sarili kundi ang kapakanan ng mga nangangailangan.  Ito po muli si Sr. Lina Salazar ng  Daughters of St. Paul!  Pakinggan na natin ang Mabuting Balita mula kay San Markos kabanata tatlo, talata dalawampu hanggang dalawampu’t isa.

EBANGHELYO: Mk 3:20-21

Humirang ag Panginoon ng iba pang pitumpu’t dalawa at isinugo silang dala-dalawa na mauna sa kanya sa bawat bayan at lugar na takda niyang puntahan.  Sinabi niya sa kanila: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggawa; idalangin n’yo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa gitna ng mga asong-gubat.  Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o mga sandalyas.  At huwag n’yong batiin ang sinuman s daan. Saanmang bahay kayo pumasok, sabihin n’yo muna: Mapasatahanang ito ang kapayapaan!’ Kung mapayapang tao ang naroon, sasakanya ang inyong kapayapaan.  Kung hindi’y magbabalik sa inyo ang iyong dasal.  At sa bahay na iyon kayo manatili; kumain kayo at uminom na kasalo nila sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang sahod.  Huwag kayong magpapalit-palit ng bahay. Saanmang bahay kayo pumasok at tanggapin nila kayo, kanin n’yo anumang ihain sa inyo.  Pagalingin n’yo rin ang mga maysakit Doon at sabihin sa kanila: ‘Palapit na sa inyo ang Kaharian ng Diyos.’”

PAGNINILAY

Isinulat ni Fr. Oliver Par ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Nakakabaliw talaga ang umibig. At kayang hamakin ng pag-ibig ang lahat, masunod lamang ang bugso nito. Kung gaano tayo kabaliw sa ating mga iniibig, ganito rin sana ang bugso ng ating damdamin sa tuwing nakikita natin ang pagdurusa ng ibang tao. Nasasaktan din sana tayo sa tuwing maraming mga tao ang hindi nakakakuha ng hustisya. Nadudurog din sana ang ating mga puso sa bawat pamilyang pinaghihiwalay ng kahirapan. Umiiyak din sana tayo sa mga kalupitan ng tao laban sa kapwa nila tao. Nakokonsensiya din sana tayo sa tuwing gumagawa tayo ng mabibigat na kasalanan. Sana inuudyok tayo ng pag-ibig sa ating puso sa tuwing hindi tayo nagpapakatao. Kasi kung hindi ganito ang nararamdaman natin, baka manhid na tayo at wala ng pakialam sa iba. At kung ganun, hindi na tayo nagiging tunay na tao.  Mga kapatid, ang sentro ng ating pagiging tao ay ang katotohanang tayo ay kawangis ng Diyos. Ibig sabihin, nasa kaibuturan ng ating puso ang presensiya ng Diyos. Ibig sabihin, kaya natin ang maging kaugali ang Diyos. Ibig sabihin din, natural lamang dapat sa atin ang umibig ng umibig, para sa Diyos at sa kapwa.  Oo, isang kabaliwan para sa mundong ito ang pagiging martir sa pag-ibig, kahit na nahihirapan ka. Oo, isang kabaliwan para sa mundong ito ang pagsasakripisyo para sa iba. At oo, isa ring kabaliwan para sa mundong ito ang magpatawad nang magpatawad, kahit ikaw na ang agrabyado. Pero sa mata ng Diyos, yun ang tunay na tao. Dahil alam ng Diyos na doon tayo yayabong bilang tao, at yun din ang paraan upang mas makilala natin na tayo nga ay may kakayanang maging kaugali ang Diyos.  Ang pag-ibig, lubus-lubusang pagbibigay ng sarili, pagpapatawad, awa at malasakit ay hindi mga bagay na labas sa ating pagkatao. Ang mga ito ay nasa kaibuturan ng ating pagkatao.  

PANALANGIN

Ama, turuan mo akong magkaroon ng puso na gaya ng iyong anak na si Hesus. Amen.