Ebanghelyo: Mateo 11:28-30
Sinabi ni Hesus: “Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawain ko kayo. Kunin ninyo ang aking pamatok at matuto sa akin na mahinahon ako at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mabuti ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin.”
Pagninilay:
Marami sa atin ngayon ay pagod na sa buhay. Iba-iba po ang dahilan—pagod sa trabaho, sa mga gawaing bahay, sa bayang mahirap mahalin, sa pagpapagal para sa kinabukasan, pag-aaral, pagsisikap magtagumpay sa buhay at ibang mga tulad nito. Sa totoo lang, minsan napapatanong na rin po ako sa aking pananalangin: Lord, kailangan po ba umabot kami sa ganito? Habang nagtatanong, para bang bumabalik sa aking gunita ang mga tagpo kung saan damang-dama ko ang pagkalinga’t grasya ng Diyos. Mga ‘di inaasahang pagkakataon na madarama mong nariyan Siya at umaagapay sa pamamagitan ng mga taong nagmamahal at kumakalinga. Mga kapanalig, sa Mabuting Balita ngayong araw, binibigyan muli tayo ng mga salita ni Hesus ng kapanatagan at pag-asa: Halikayo’t magpahinga sa aking piling…Sapagkat maginhawang dalhin ang aking pamatok, at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo. Ang pamatok po, o yoke sa English ay ang kahoy na inilalagay sa batok ng mga hayop na ginagamit upang humila ng mga mabibigat na karga o di kaya sa pag-aararo. Dahil sa bigat ng dala o gawain, kadalasan dalawang hayop ang inilalagay sa iisang pamatok. Ito marahil ang dahilan kung bakit inihalintulad ni Hesus ang pagkapagod sa pagdadala ng pamatok. Sinasabi nga natin lagi, hindi naman ipinangako ng Diyos na magiging madali ang lahat, pero ipinakita’t ipinadarama niya na hindi tayo nag-iisa sa laban ng buhay. Si Hesus ang kasama natin sa pamatok…Si Hesus ang katuwang natin sa pagpasan…Kay Hesus, tiyak ang ating kapahingahan. Mga kapanalig, deserve din po natin magpahinga. Si Hesus man, sa tuwing nararamdaman niya ang pagod ay nagpahinga rin. Ngunit, tularan natin Siya, sa kanyang pamamahinga—nasa isip niya pa din ang Ama. Tayo din, sa gitna ng maraming iniisip, gustong tapusin—magpahinga! Panatagin ang loob, dahil bukas, paggising, lalaban muli nang may pag-asa at kapanatagan dahil alam nating nariyan at kaagapay natin si Hesus. Amen.