Daughters of Saint Paul

IKA – 18 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON

Ebanghelyo: Mateo 14:22-36

Pinasakay ni Hesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. At pagkaalis ng mga tao, mag-isa siyang pumunta sa kaburulan para manalangin. Nag-iisa siya roon nang gumabi. Samantala, malayo na sa lupa ang bangka, sinasalpok ng mga alon sapagkat pasalungat ang hangin. Nang madaling-araw na, pinuntahan sila ni Hesus na naglalakad sa dagat. Nang makita nila siyang naglalakad sa dagat, natakot sila, at akala nila’y multo siya. Kaya sumigaw sila. Ngunit agad niyang sinabi sa kanila: “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot.” Sumagot si Pedro: “Panginoon, kung ikaw nga, papuntahin mo ako sa iyo na naglalakad sa tubig.” “Halika.” Bumaba naman sa bangka si Pedro at naglakad sa tubig papunta kay Hesus. Ngunit natakot siya sa harap ng malakas na hangin at lumulubog na. Kaya sumigaw siya: “Panginoon, iligtas mo ako!” Agad na iniunat ni Hesus ang kanyang kamay at hinawakan siya, at sinabi: “Taong kakaunti ang pananampalataya, bakit ka nag-aalinlangan?” Nang nakasakay na sila sa bangka, tumigil ang hangin. At yumuko sa harap ni Hesus ang mga nasa bangka at sinabi: “Totoo ngang ikaw ang Anak ng Diyos!” Pagkatawid nila, dumating sila sa pampang ng Genesaret. Nakilala si Hesus ng mga tagaroon at ipinamalita nila sa buong kapaligiran. Kaya dinala nila sa kanya ang mga maysakit. May nakiusap sa kanya na mahipo man lamang sana nila ang laylayan ng kanyang damit, at gumaling ang lahat ng humipo rito.

Pagninilay:

Sinasabing matapos magpakain ng higit-kumulang limang-libong katao, nangyari ang kaganapang ito, na nabasa natin ngayon sa ating Ebanghelyo. Pinauna na ni Hesus ang mga alagad upang magkaroon siya ng maikling panahon upang manalangin. Sa hindi inaasahang tagpo, humangin ng malakas at halos tumaob na ang bangkang lulan ng mga apostol. At doo’y dumating si Hesus. Mga kapanalig, hindi ba’t sa maraming pagkakataon sa buhay ganoon din tayo. Kapag hinahampas tayo ng alon ng suliranin. Malakas din yung hangin ng ating kayabangan dahil akala natin kaya natin. Tataob na yung ating lakas upang lumaban muli. Dalawa lang ang maaring mangyari: idedeny mo na mayroong Diyos at ikokonsider siyang multo o kikilalanin mo siya bilang Diyos na totoo. Nasa atin ang pagpapasya at pagpili. Pero sana hindi lang sa mga panahon ng paghampas, paghangin, at pagtaob natin maalala ang Panginoon. Sana sa kapanatagan, kapahingahan, at kasiyahan mas makasama at madama rin natin siya. Amen.