Daughters of Saint Paul

AGOSTO 5, 2022 – BIYERNES SA IKA – 18 NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON PAGTATALAGA SA PALASYONG SIMBAHAN NG MAHAL NA BIRHENG MARIA SA ROMA

Saan ka humuhugot ng lakas sa pagpasan ng iyong Krus? Isang mabiyaya at puno ng pag-asang araw ng Biyernes mga kapatid kay Kristo!  Ako si  Sr. Amelyne ng Daughters of St. Paul. Ikalima ngayon ng Agosto, ginugunita natin ang Pagtatalaga ng Basilika ni Maria sa Roma.  Itinayo ni Papa Liberio ang basilikang ito sa pagitan ng taong 352 at 366. Kapanahunan ito ng heretikong si Nestorio na nagsasabing si Maria, Ina lamang ng taong si Jesus at hindi ng Diyos na si Jesus.  Si Papa Sixto Ikatlo naman ang nagpangalan ng Basilikang ito kay Maria noong taong 435, tanda ng pagkilala sa kanya bilang Ina ng Diyos. Kung nais nating sumunod kay  Jesus kinakailangang pasanin natin ang ating krus. Kasama natin siya sa pagpasan ng ating mabibigat na krus kung kaya’t manalig tayo sa kanya.Yan ang tema ng Mabuting Balita ngayon.

Ebanghelyo: Mateo 16:24-28

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: Kung may ibig sumunod sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ang mawawalan nito. Ngunit ang naghahangad ng mawalan nito ang makakatagpo nito. Ano ang Pakinabang ng tao, tubuin man niya ang buong daigdig kung sarili naman niya ang mawawala. Sa ano maipagpapalit ng tao ang kanyang sarili. Darating nga ang anak ng tao taglay ang kaluwalhatian ng kanyang Ama at kasama rin ang kanyang banal na Anghel. At doon niya gagantimpalaan ang bawat isa, ayon sa kanyang mga gawa. Totoong sinasabi ko sa inyo, na makikita ng ilan sa inyo ang Anak ng Tao na dumarating bilang Hari, bago sila mamatay.

Pagninilay:

Mga kapatid, may iba’t-bang klase ng krus sa ating buhay. Sakit, kahirapan sa pamilya, kawalan ng trabaho, depresyon, at iba pa ay ilan lamang sa maituturing nating krus o pasanin sa ating buhay. May mga taong may krus na mas mahirap pa sa iba. Gayunpaman, hindi kailanman madali ang pagtanggap ng kahit anong klase ng krus sa ating buhay. Ang makakatulong o makakasama sa atin ay kung paano natin tinitingnan ang krus na ating pinapasan sa buhay. Tinitingnan mo ba ang iyong krus bilang isang parusa na galing sa Diyos o naniniwala ka ba na ang krus na iyong pasan-pasan ay sadyang bahagi lamang ng ating buhay, kagaya ng kagalakan at pagmamahal ay parte ng ating buhay bilang isang tao? Mga kapatid, anong sistema ng paniniwala mayroon tayo? Naniniwala ba tayo na ang Diyos ay mapagparusang Diyos o atin bang napagtanto na may mga nagawa tayong desisyon at ang ating mga nagawang desisyon ay may kahihinatnan sa ating buhay na dapat nating tanggapin at makipamuhay nito. Ang realidad ng pagiging tao ay nangangahulugan na tayo ay makakaranas ng pagdurusa, tulad ng ating nararanasang saya, pagmamahal, kapayapaan, at ginhawa. Bagamat hindi kailanman maiiwasan ang krus sa ating buhay, manalig tayo na sa ating pang-araw-araw na buhay kasa-kasama natin si Hesus at tutulungan niya tayong pasanin ang ating krus. Sa tuwing akala natin na hindi na natin kayang pasanin ang ating Krus sa buhay, magdasal tayo kay Hesus ng kaginhawaan, kapayapaan, at lakas upang malampasan natin ang krus sa ating buhay. Sa panahon ng kahirapan, makakatulong sa atin ang tumuon sa mga mabuting bagay na meron tayo sa buhay. Kung gagawin natin ito, mapagtatanto natin na may mas maraming biyaya, mayroon tayo kaysa sa kahirapan. Mga kapatid, nawa’y buksan ni Hesus ang ating isipan at puso upang mapagtanto natin, ang mga maraming biyayang kaloob sa atin ng Diyos.