BAGONG UMAGA
Purihin ang Diyos sa araw na ito ng Huwebes, Ika-dalawampu’t apat ng Agosto, Kapistahan ni San Bartolome, na isang apostol. Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito, at sa tulong ng kanyang panalangin hilingin nating maisabuhay ang mabuting balitang araw-araw nating napakikinggan, nang maging marapat tayong tagapagdala ng mabuting balita sa iba. Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang pahayag ng Panginoong Hesus na tunay na Israelita si Natanael, na kilala rin sa pangalang Bartolome, na ang ibig sabihin: anak ni Tolome. Sa Mabuting Balita ayon kay San Juan kabanata isa, talata apatnapu’t lima hanggang limampu’t isa.
EBANGHELYO: Jn 1:45-51
Natagpuan ni Felipe si Natanael at sinabi nito sa kanya: “Ang tinutukoy ni Moises na nakasulat sa Batas at Mga Propeta, siya ang natagpuan namin – si Jesus na anak ni Jose, na taga-Nazaret.” “May mabuti bang galing sa Nazaret?” “Halika’t tingnan mo.” Nakita ni Jesus na palapit sa kanya si Natanael at sinabi niya tungkol sa kanya: “Hayan ang tunay na Israelitang walang pagkukunwari.” “Paano mo ako nakilala?” “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, habang nasa ilalim ka ng puno ng igos, nakita na kita.” “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.” “Sinabi ko lang sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos, at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo. Talagang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong nakabukas ang Langit at panhik-panaog sa Anak ng Tao ang mga anghel ng Diyos.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Gemmaria de la Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Puno ng igos ang palagiang tagpo ni Bartolome sa Diyos. Kahit hindi niya nakikita ang Diyos, sa ilalim ng puno ng igos, secure siyang mag-share ng maliligayang nagaganap sa buhay niya. Sa puno ng igos, at home siyang magsabi kung nalulungkot siya, o may dinadalang mabigat na problema. Sa puno ng igos, doon siya nagsusumbong kay Lord, ng kanyang sama ng loob. Sa puno ng igos, malaya siyang umiiyak, at humahalakhak kasama ng Panginoon. Sa tagpo ngayon ng Mabuting Balita, may invitation ang friend niyang si Felipe: “Halika at tingnan mo”. Sumunod siya. Finally, kay Hesus nga niya nakita nang face to face, ang dati niyang na-eencounter sa puno ng igos. Kapatid, sino’ng kaibigan mo ang nagdala sa iyo, para ma-encounter mo si Lord? Ano’ng panibagong perspektibo ang iyong natunghayan, nang personal mong nakilala si Hesukristo? Ano’ng hiwaga ang nagaganap sa iyo, simula nang hinayaan mong baguhin ka Niya? Kaya’t kung sakaling may tampo ka sa Diyos, at inanyayahan ka muli ng friend mo, na personal na tagpuin si Hesukristo, i-accept mo. Who knows? Ang kaibigan mo ang Kanyang mukha, na nag-aanyaya sa mas malalim na ugnayan sa Kanya. Just make yourself accessible to God. Marami pa Siyang life-changing surprises, na ihahandog sa iyo tulad ni Bartolome.