BAGONG UMAGA
Isang masigla at puno ng pagpapalang araw ng Lunes minamahal kong kapatid kay Kristo. Ika-dalawampu’t walo ngayon ng Agosto, ginugunita natin si San Agustin, Obispo at Pantas ng Simbahan. Isa siyang halimbawa ng taong binago ng Diyos mula sa makasalanang buhay, dahil sa walang humpay na pagdarasal at pagsasakripisyo ng kanyang inang si Santa Monica. Pasalamatan natin ang Diyos sa banal na ito, at sa tulong ng kanyang panalangin, hilingin nating maging totoo at kapani-paniwalang taga-akay tayo ng ating kapwa tungo sa Diyos. Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata dalawampu’t tatlo, talata labintatlo hanggang dalawampu’t dalawa.
EBANGHELYO: Mt 23:13-22
Sinabi ni Jesus: “Kaya kawawa kayo mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari. Isinara ninyo ang Kaharian ng Langit sa harap ng mga tao. Hindi kayo pumasok at hindi rin niyo pinapasok ang mga makapapasok. Kawawa kayo mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari. Nililibot ninyo ang dagat at lupa para maghanap ng isang bagong tagapaniwala at pagka-paniwala n’ya ginagawa n’yo s’yang anak ng impyerno na mas masahol pa sa inyo. Kawawa kayong mga bulag na taga-akay. Sinasabi ninyong walang bisa kung sa Templo nanunumpa subalit may bisa kung sa ginto ng Templo. Mga bulag at baliw, alin ba ang mas mahalaga, ang ginto sa Templo o ang Templong nagpapabanal sa gintong ito? Ang sabi ninyo’y walang bisa kung sa Altar manunumpa subalit may bisa kung sa handog na nasa Altar. Mga bulag, alin ba ang mas mahalaga, ang handog o ang Altar na nagpabanal sa handog? Ang manumpa sa ngalan ng Altar ay dito at sa lahat ng narito nanunumpa. Ang sinumang sumumpa sa Templo ay sumusumpa dito at sa Diyos na naninirahan sa Templo. Ang sinumang manumpa sa Ngalan ng Langit ay saTrono ng Diyos at sa nakaupo rito nanunumpa.
PAGNINILAY
Ramdam natin ang galit ng Panginoon sa Ebanghelyo. Kanyang tinuligsa ang mga guro ng Batas at Pariseo dahil sa kanilang pagkukunwari, at pagiging mga bulag na taga-akay. Lahat ng kanilang mga pagkilos at gawaing paglilingkod – puro palabas lamang, para mapapurihan. At marami silang mga tagasunod na nahuhulog din sa ganitong kalakaran. Mga kapatid, suriin natin ang ating sarili – nararapat ba tayong tawaging taga-akay? Ang mga magulang sa kanilang mga anak; ang mga guro sa kanilang mga estudyante; ang mga preachers sa kanilang mga tagapakinig – taos puso ba ang ating ginagawang paglilingkod? Mahalagang malaman ang ating tunay na hangarin sa paggawa ng mabuti – upang maiwasan ang pagkukunwari, at pagiging bulag na mga taga-akay ng ating kapwa. Dahil kung wagas ang ating hangarin sa mga gawaing paglilingkod – tayo dapat ang unang nagsasabuhay ng ating mga itinuturo sa iba; mapaninindigan natin ang ating mabubuting sinasabi; at magsisilbi tayong huwaran para sa mga taong ipinagkatiwala sa atin ng Diyos.
PANALANGIN
Panginoon, patawarin Mo po ako sa mga pagkakataong naging bulag akong taga-akay ng iba – dahil hindi ko napanindigan ang aking mabubuting sinasabi. Amen.