Daughters of Saint Paul

NOBYEMBRE 12, 2023– IKA-32 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON (A)

BAGONG UMAGA

Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa Ika-tatlumpu’t Dalawang Linggo sa Karaniwang Panahon ng ating Liturhiya.  Pasalamatan natin Siya sa patuloy na pagpapaalala sa’tin na maging laging handa sa Kanyang pagdating, katulad ng limang matatalinong abay na dalaga na may sapat na langis ang lampara.  Ito po ang inyong lingkod, Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul.   Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo Kabanata Dalawampu’t Lima, talata isa hanggang Labintatlo.

EBANGHELYO: Mt 25:1-13

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Tinutukoy ng kuwentong ito ang mangyayari sa Kaharian ng Langit. Sampung abay na dalaga ang lumabas na may dalang lampara para sumalubong sa nobyo. Hangal ang lima sa kanila, at matalino naman ang lima pa. Dinala ng mga hangal na abay ang kanilang mga lampara nang walang reserbang langis. Ngunit dinala naman ng matatalino ang kanilang mga lampara na may reserbang langis. Natagalan ang nobyo kaya inantok silang lahat at nakatulog. Ngunit nang hatinggabi na, may tumawag: ‘Dumarating na ang nobyo; lumabas kayo at salubungin siya!’ Nagising silang lahat noon at inihanda ang kanilang lampara. Sinabi ng mga hangal sa matatalino: ‘Bigyan naman ninyo kami ng inyong langis dahil mahina na ang ningas ng aming lampara.’ Sumagot ang matatalino: ‘Baka kulangin ang langis para sa amin at para sa inyo. Mabuti pang pumunta kayo sa mga nagtitinda at bumili para sa inyo.’ Nakaalis na sila para bumili nang dumating ang nobyo; ang mga handa na ay sumama sa nobyo sa kasalan, at isinara ang pinto. Pagkatapos ay saka dumating ang iba pang mga dalaga at tumawag: ‘Panginoon, Panginoon, pagbuksan mo kami!’ Ngunit sumagot siya: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo kilala.’ Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Fr. Anthony Capirayan ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Mga kapatid, sa oras na lilisanin na natin ang mundong ito at haharap na tayo sa Panginoon, masasabi kaya natin na puno-punong ang lampara ng ating buhay ng langis? —langis ng pagmamahal, langis ng pagiging bukas-palad, langis ng pagtitiwala sa Diyos, langis ng pagpapatawad, langis ng pagiging magpagpasalamat, at langis ng mga mabubuting gawa.  Sana maghanda at magsumikap tayong lagyan ng langis ang ating buhay araw-araw upang patuloy itong nagliliwanag.  Nang sa ganoon, pagdating ng panahon na tayo ay kakatok doon sa pintuan sa langit, hindi itatanong sa atin ng Panginoon, “Sino kayo?”, kundi bubuksan niya nang malawak ang pintuan at sasabihing, “Pasok kayo.”