Sinabi ni Jesus sa mga tao: "Naihahambing ang Kaharian ng Langit sa isang malaking lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng kung anu-ano. Nang puno na ang lambat, hinila ito papunta sa pampang. At saka naupo ang mga tao at tinipon ang mabubuting isda sa mga timba at itinapon naman ang mga walang kuwenta. Ganito ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Lalabas ang mga anghel para ihiwalay ang masasama sa mabubuti; at itatapon sila sa nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng mga ngipin." At itinanong ni Jesus: "Nauunawaan n'yo ba ang lahat ng ito?" "Oo," ang sagot nila. Kaya sinabi niya sa kanila: "Kaya bawat guro ng Batas na tinuruan tungkol sa Kaharian ay katulad ng isang ama ng tahanan na may tabihan, at laging may bago at luma sa tuwing kukuha siya." Nang matapos ni Jesus ang mga talinghagang ito, umalis siya sa lugar na iyon.
PAGNINILAY
Mga kapatid, dapat nating maunawaan na mga mangingisda ang karamihan sa mga alagad ni Jesus. Ito ang kanilang gawain bago sila sumunod sa Panginoon, at ang siya ring gagamitin sa kanilang bagong bokasyon bilang mamalakaya ng tao. "Ihahagis nila ang lambat" sa pamamagitan ng pangangaral, pagtuturo, pagpapagaling, at paggawa ng iba pang uri ng paglilingkod, sa "malawak na karagatan" ng mga tao, una sa Israel, at pagkatapos, sa buong mundo. Titipunin nila ang mga tao sa Bangka na siyang pamayanan ni Kristo. Ang pamamaraan ng pangingisda, na pagkatapos makahuli, paghihiwa-hiwalayin ang iba't-ibang klaseng isda, sinadya, upang sagutin ang katanungan ng mga namamalakaya ng tao – kanino sila pupunta? Kailangan ba nilang maging mapili? Kailangan bang sa simula pa lamang, husgahan na nila ang mga tao kung sinu-sino ang mabuti o masama, at tanggapin lamang sa Iglesya ang mabubuti? Mga kapatid, sa pamamagitan ng talinhaga ng lambat, sinasabi ni Jesus na kailangang ipangaral ang ebanghelyo sa lahat nang walang pagtatangi. Para sa Panginoon lamang ang pagbubukod-bukod sa wakas ng panahon. Walang dapat umangkin sa karapatan ng Diyos sa huling paghuhukom dahil ang Panginoon lamang ang tunay na nakakakilala sa puso ng tao. Sa buhay mo ngayon kapatid, nauunawaan mo ba ang napakaraming dapat gawin upang sa huli'y maging isa kang "mabuting isda"? Anong mga "marurumi at walang silbing" bagay ang kailangan mong alisin sa iyong sarili, upang sa huli'y mapabilang ka sa mga matuwid at hindi sa mga masama? Panginoon, pagkalooban Mo po ako ng biyayang makasama sa lambat ng Iyong walang-hanggang pagmamahal. Amen.