BAGONG UMAGA
Mapayapang araw ng Martes mga kapatid/kapanalig! Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan natin ang Ebanghelyo ayon kay San Juan kabanata labing-anim, talata lima hanggang labing-isa.
Ebanghelyo: Jn 16:5-11
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ngayon nama’y papunta ako sa nagpadala sa akin, at wala sa inyong nagtatanong sa akin kung saan ako pupunta kundi tigib ng lungkot ang inyong puso sa pagsasabi ko nito sa inyo. “Ngunit sinasabi ko ang katotohanan: makabubuti sa inyong ako’y umalis sapagkat kung hindi ako aalis, hindi makararating ang Tagapagtangggol. Kung aalis naman ako, ipadadala ko siya sa inyo at pagdating niya, hihyain niya ang mundo sa paglalantad sa kasalanan sa daan ng pagkamatuwid at sa paghatol. “Ito ang kasalanan: hindi sila naniniwala sa akin. Ito ang daan ng pagkamatuwid: sa Ama ako papunta, samantalang hindi n’yo na ako makikita. At hinatulan na ang pinuno ng mundong ito: ito ang paghatol.”
Pagninilay:
Isinulat ni Bro. Russell Patolot ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo
Bilang bunsong anak sa aming pamilya, malapít ako sa aking mga magulang, lalo na sa aking ina. Sa katunayan, tuwing umaalis siya dati para pumasok sa trabaho, minsan ay iniiyakan ko ang kanyang pag-alis, kahit na alam ko na babalik siya sa hapon. Ang mabilisang magpapatahan sa akin ay ang pangako ng pasalubong mula sa aking paboritong fastfood chain at mga yakap at halik pag-uwi. Ang pait ng minsang paglisan ang siya palang nagpapatamis ng muling pagkikita. Sa tagpo ng Mabuting Balita ngayon, halatang-halatang nagpapaalam na si Hesus sa kanyang mga alagad. Sa katunayan, ilang araw na lang ay ipagdiriwang natin ang pag-akyat niya sa langit. Pinapapanatag tayo ni Hesus na may kaunting pait man ang sandaling paglisan, mananatili Siya sa ating piling sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ang siyang papatnubay sa atin upang muli nating makadaupang-palad si Hesus na muling nabuhay sa mga karaniwang kaganapan ng ating buhay. Mga kapanalig, kapatid, marahil ay nasanay tayong makatagpo si Hesus sa mga kakaibang kaganapan, katulad ng mga alagad. Hilingin natin ang kanyang Espiritu upang mas madali natin siyang makita sa mga “mumunting milagro” ng araw-araw. Sa ganitong paraan, muling mag-aalab ang ating mga puso upang mapag-alab ang puso ng ating kapwang uhaw sa pag-ibig ng Diyos.